GALAK Sagada, sagad sa galak!
30 Jun 2026 | Isinulat nina Bb Aira San Antonio, Bb Roselle Matias, Gng Ammiegaiel Panlilio, P Vic de Jesus SJ, at Gng Rovina Bermudez
Matagumpay at tunay na mabunga ang GALAK (Gurong Atenista: Lakbayin at Kilalanin ang Pilipinas) Sagada, kung saan naglakbay ang ilang guro, kawani, at administrador ng Ateneo de Manila Grade School noong 18-21 Mayo 2026, sa iba’t ibang natatanging lugar sa lalawigan ng Benguet at sa Mountain Province sa Cordillera Administrative Region (CAR). Layunin ng GALAK na mapalawak ang kaalaman ng bawat isa tungkol sa kultura, kasaysayan, sining, at ganda ng Pilipinas habang nagkakaroon ng pagkakataong makapagpahinga, makisalamuha, at mapayaman ang sarili.
Ika-19 ng Mayo
Bago tuluyang magtungo sa Sagada, bumisita muna ang grupo sa Northern Blossom Flower Farm sa Atok, Benguet. Sa kanilang pag-ikot sa malawak na taniman, nasilayan nila ang iba’t ibang uri ng makukulay at malalagong bulaklak pati na rin ang kahanga-hangang tanawin ng kabundukan na nagsilbing magandang simula ng lakbay-aral.
Bilang simula ng lakbay-aral sa Sagada, unang nagtungo ang grupo sa St. Mary’s Episcopal Church at The Church of Saint Mary the Virgin Cemetery. Natuto ang grupo kung paano napalaganap ang Kristiyanismo sa rehiyon noong unang bahagi ng ikadalawampung siglo at ang naging mahalagang papel ni Reb. John Staunton sa misyon ng mga Anglicans noong siya ay tumuntong sa Sagada. Namangha rin ang grupo nang malaman namin na punongkahoy ang ginagamit ng mga bumibista sa sementeryo sa halip na kandila, sapagkat ito’y mas tumatagal.
Mula rito, naglakad ang grupo patungo sa tanyag na Hanging Coffins, isa sa mga pinakakilalang pamanang kultural sa Sagada. Ipinaliwanag sa amin ang iba’t ibang paniniwala ukol sa kamatayan at ang mga tradisyunal na pamamaraan sa paglilibing ng kanilang mga yumao.
Para sa pagtatapos ng unang araw sa Sagada, sumunod na naglakbay ang grupo sa pinakamalalim na kuweba sa buong Pilipinas, ang Sumaguing Cave, na kilala bilang “The Big Cave." Tampok dito ang malalaking “chambers,” “icy pools,” at iba’t ibang anyo ng bato. Dito naranasan ng grupo ang “spelunking.” Gamit ang headlamp, at bitbit ang lakas ng loob, sama-samang pumasok ang grupo sa madilim, madulas, at mabatong kuweba. Dito natutuhan ng grupo na dapat ang tsinelas/sandalyas ay siguradong “sandikit” (sandalyas na madikit sa bato) upang kumapit nang wasto sa mga tatapakang mga bato. Lahat ng buwis-buhay na pagbaba sa kuweba ay sulit nang makita ng grupo ang kamangha-manghang bato na mala-elepante, pagong, tsokolate, keyk, at hagdan-hagdang palayan na hugis.
Ang spelunking ng grupo sa Sumaguing Cave ay talagang isang paglalakbay kasama ang kalikasan. Napagtagumpayan namin ang pagpasok sa kuweba kahit na may alinlangan sa simula. Lumabas ang grupo sa kuweba, baon ang bagong tiwala at kumpiyansa sa sarili (at kapwa) at higit sa lahat baon namin ang hiwaga at ganda ng kalikasang gawa ng ating Panginoon.
Ika-20 ng Mayo
Maagang nagising ang lahat para sa ikalawang araw sa Sagada. Gamit muli ang mga headlamp at tungkod, ang grupo ay sama-samang humarap sa pisikal na hamon ng pag-akyat sa Marlboro Hills. Matapos ang halos isa’t kalahating oras na paglalakad paakyat sa bundok, matagumpay na narating ng grupo ang tuktok at nasaksihan ang nakamamanghang dagat ng ulap. Ito ay tinatayang 1,724 meters above sea level, kaya naman nasaksihan din namin ang pagsikat ng araw. Ayon sa mga tourist guide, nakadepende ang pagpapakita ng ulap sa lagay ng panahon, kaya naman lubos ang aming pasasalamat sa pagkakataong makita ang napakagandang biyaya ng kalikasan.
Mula sa Marlboro Hills, ipinagpatuloy ng grupo ang paglalakbay patungo sa Blue Soil Hills. Bakit nga ba Blue Soil Hills? Ang mala-bughaw na kulay ng lupa ay dulot ng mataas na presensya ng copper at mineral sa lugar. Dahil napalilibutan ito ng mga nagtataasang pine trees, naging pagkakataon ito para sa grupo upang magpahinga habang pinagmamagsdan ang magandang tanawin at namnamin ang sariwang hangin.
Makalipas ang ilang oras na pahinga, muling sumabak ang grupo sa kakaibang karanasan upang mas mapalalim ang pagkakilala sa sining ng Sagada. Bumisita ang grupo sa Sagada weaving kung saan nasaksihan namin ang masugid at matiyagang paghahabi ng tela na katutubong at makukulay na disenyo. Bawat hibla ay kailangang mailagay nang tama at maayos upang makabuo ng isang buong tela. Tunay na nakamamangha ang tiyaga, sipag at dedikasyon ng mga lokal na manghahabi mula sa katutubong Igorot.
Humanga rin ang lahat sa sining ng pagpapalayok (pottery). Ibinahagi sa grupo ang proseso ng paggawa ng palayok, mula sa paghahanda ng clay, sa paghulma ng nais na anyo, pagpapatuyo, pagluto, at paglalagay ng disenyo. Lalo pang naging masaya at makabuluhan ang karanasan nang subukan nila Bb. San Antonio, G. Limuco, G. Robles, at Padre Vic de Jesus SJ ang mismong paghuhulma ng palayok.
Bilang pangwakas ng Sagada tour, naglakbay ang grupo sa tanyag na Bomod-ok Falls sa Barangay Banga-an. Nang matapos ang mahabang paglalakad ay tila napawi ang pagod dahil sa ganda ng talon na ito. Malinaw at malinis ang tubig ng talon, kaya naman halos lahat kami ay tuwang-tuwang nagtampisaw at lumangoy sa malamig na tubig. Isang gantimpala para sa amin ang marating ang magagandang tanawin at makihalubilo sa aming mga kasama sa isang hindi malilimutang paglalakbay.
Sama-sama naming nasaksihan ang kagandahan ng kalikasan sa mga bundok, kuweba, batis at talon. Sinubukan nito ang aming tapang, tatag, at tiwala sa sarili at sa kapwa. May ilan sa mga magkakasama na natuklasan na kaya pala nila ang sa simula’y akala nilang di nila kakayanin. Napakaganda rin ng bayanihan ng mga taga-AGS! Lubos din ang aming pasasalamat sa kasama naming mga tour guide na siyang nagsilbing aming mga ilaw, tungkod, hagdan at lakas ng loob para mapagtagumpayan ang lahat ng naging hamon sa paglalakbay na ito. Umuwi kaming masaya at maraming baong kuwento at handang ipahayag sa lahat ang ganda at yaman ng Sagada.