Current Negotiations: 2024-2029 CBA
Read English version
Nasa negosasyon ngayon, para sa huling dalawang taon ng 2019-2024 Collective Bargaining Agreement (CBA) ang Pamantasang Ateneo de Manila at ang Ateneo Employees and Workers Union (AEWU), na karamihang binubuo ng maintenance at technical staff ng pamantasan.
Timeline (na-update, 28 Abr 2023)
- 30 Agosto 2022: Paunang pulong sa pagitan ng Admin Panel at Union Panel para talakayin ang Ground Rules para sa negosasyon ng CBA
- 7 Septiyembre 2022: Simula ng negosasyon pagkatapos aprubahan ng kapwa partido ang Ground Rules. Naresolba ang karamihan sa probisyon ng CBA dahil sa astang give-and-take ng kapwa partido.
- 4 Enero 2023: Nagdeklara ng deadlock ang AEWU.
- 18 Enero 2023: Nakatanggap ang Ateneo de Manila ng Notice of Strike (NoS) mula sa AEWU at Notice of Conference mula sa Department of Labor and Employment-Regional Conciliation and Mediation Branch (DOLE-RCMB).
- 24 Enero 2023: Sumang-ayon ang kapwa partido na i-downgrade ang NoS sa preventive mediation.
- 15 Pebrero 2023: Sa pulong sa DOLE, hindi nagkasundo ang Admin at Union Panels sa mga natitirang probisyon sa CBA. Kumilos ang Union Panel na itigil muli ang negosasyon.
- 16 Pebrero 2023: Nakatanggap ang Pamantasan ng pangalawang NoS, na nag-angat ng negosasyon sa DOLE.
- 22 Pebrero 2023: Pulong sa pagitan ng dalawang Panel sa DOLE National Conciliation and Mediation Board (DOLE-NCMB).
- 28 Pebrero 2023: Patuloy na nakahahanap ng magkasundong posisyon sa mga natitirang item sa CBA ang mga panel ng Admin at Union, sa tulong ng DOLE. Gayunpaman, bigo ang mga panel na umabot sa kasunduan.
- 14 Abril 2023: Natapos ang negosasyon sa pagitan ng Admin at Union para sa huling dalawang taon ng 2019-2024 Collective Bargaining Agreement.
Tungkol sa Negosasyon ng CBA
Tungkol saan ang negosasyon sa CBA?
Nasa negosasyon ngayon ang administrasyon ng Pamantasang Ateneo de Manila at ang Ateneo Employees and Workers Union (AEWU) para sa huling dalawang taon ng 2019-2024 Collective Bargaining Agreement (CBA).
Kontrata ang Collective Bargaining Agreement sa pagitan ng Ateneo at ng Unyon, na may saklaw sa karapatan at responsibilidad ng kapwa partido bilang employer at empleyado, at ang mga tuntunin at kondisyon ng trabaho ng mga kasapi ng unyon (kabilang ang sahod at benepisyo).
Sino ang mga partido sa negosasyon?
Sa pagitan ng Ateneo administration at ng AEWU ang negosasyon.
Sino ang AEWU?
Isang unyon ng manggagawa ang AEWU, na kinikilala ng Ateneo at ng pamahalaan. Ito ang nag-iisa at eksklusibong kinatawan sa negosasyon para sa maintenance staff at mga technician, na kailangang maging miyembro ng Unyon, alinsunod sa closed shop union security clause ng CBA. Kumakatawan din ang AEWU sa mga indibidwal na miyembro ng office staff na kusang loob na nag-apply at naging miyembro ng union.
Kasalukuyang mayroong 218 na miyembro ang Unyon, na itinatayang 7% ng 3,109 na empleyado ng Pamantasan.
Ano ang pinagdaanan ng negosasyon sa CBA?
Mula sa unang pulong ng Admin Panel at Union Panel noong 30 Agosto 2022 para talakayin ang Ground Rules ng CBA negotiation, nangyari ang mga sumusunod:
- Nagsimula ang mga negosasyon pagkatapos aprubahan ng dalawang partido ang Ground Rules noong Setyembre 7, 2022. napagkasunduan ang karamihan sa mga probisyon ng CBA gawa ng pagbibigayan ng dalawang partido.
- Nagdeklara ng deadlock ang AEWU noong 4 Enero 2023 at nakatanggap ang Pamantasang Ateneo de Manila ng Notice of Strike (NoS) mula sa AEWU at Notice of Conference mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) Regional Conciliation and Mediation Board (RCMB) noong 18 Enero 2023.
- Noong 24 Enero 2023, winakasan ng DOLE ang NoS na inihain ng AEWU. Sumang-ayon ang kapwa partido na dumaan sa preventive mediation.
- Sa pulong sa DOLE, hindi nagkasundo ang Admin Panel at Union Panel sa mga natitirang probisyon sa CBA. Isinulong ng Union Panel na itigil muli ang negosasyon.
- Noong ika-16 ng Pebrero 2023, naghaing muli ng NoS ang Unyon sa administrasyon ng Pamantasan, na nag-angat ng patuloy na negosasyon sa harap ng Department of Labor and Employment (DOLE).
- Muling nagpulong ang dalawang panel noong 22 Pebrero 2023 sa DOLE National Conciliation and Mediation Board (DOLE-NCMB).
- Noong ika-28 ng Pebrero 2023, muling nagpulong ang dalawang panel , sa tulong ng DOLE, sa pag-asang makahanap ng isang mapagkasusunduang posisyon sa mga natitirang isyu sa CBA. Gayunpaman, walang napagkasunduan at payo ng DOLE sa magkabilang panig na baguhin ang kanilang proposal.
Ano ang mga pangunahing isyu na kailangan pang lutasin?
Ito ang mga natitirang probisyon na kailangan pang pagkasunduan:
- Wage increase
- Rice allowance
- Union leave with pay
- Termino at bisa ng CBA, kabilang ang petsa ng pag-retroact ng benepisyong napagkasunduan; at
- Signing bonus.
Alinsunod sa Labor Code of the Philippines, ang napagkasunduang CBA sa loob ng anim na buwan pagkatapos mag-expire ang umiiral na CBA aynagiging retroactive sa unang araw matapos mag-expire nito. Mawawala ang automatic na pagka-retroactive na ito kung lumampas ang negosasyon sa anim na buwan. Ngunit sa kasong ito, sumang-ayon ang kapwa partido sa kanilang Ground Rules na sa 28 Pebrero 2023 ang pag-expire ng automatic na pagka-retroactive.
Kasalukuyang AEWU Compensation at Mga Benepisyo
Magkano ang pasahod ng Pamantasan sa mga miyembro ng Unyon?
Nagpapasahod ang Pamantasan sa ilan sa mga pinakamataas na suweldo sa industriya para sa mga posisyon na ginagampanan ng mga miyembro ng Unyon.
Ito ang kasalukuyang buwanang sahod ng mga miyembro ng AEWU (lahat sa Piso ng Pilipinas):
- Pinakamababa: 15,700
- Average: 30,800
- Median: 28,800
- Pinakamataas: 74,000
Ano ang kasalukuyang mga benepisyo na natatanggap ng mga miyembro ng AEWU mula sa Unibersidad?
Dagdag pa sa kanilang sahod, tumatanggap din ang mga miyembro ng unyon ng mga sumusunod na benepisyo:
- Rice Allowance (buwanan)
- Dependent’s Allowance o Family Subsidy (buwanan)
- Union Educational Benefit (bawat kwalipikadong dependent sa bawat school year)
- Employee Development Opportunity (kwalipikasyon para sa scholarship para maka-enroll ang mga empleyado sa programa sa Pamantasan)
- Leave Benefit (Sick, Vacation, Emergency, Bereavement) na may katumbas na halaga ng pera
- Union Leave with Pay (para sa mga aktibidad ng Union)
- Bereavement Assistance (sa bawat namatay na matalik na kaanak ng empleyado)
- Health Care Plan coverage
- Critical Illness Benefit
- Group Life Insurance coverage
- University Service Awards
- Retirement Benefits
Mababasa ang mga detalye ng kasalukuyang benepisyo sa mga nakaraang CBA, na maaaring i-download sa ateneo.edu/cba (seksyon ng "Previous Ateneo-AEWU CBAs").
Sabi ng Unyon, nasa 10% ang aktwal na pagtaas ng sahod para sa hindi miyembro ng unyon, kumpara sa 6% sa miyembro ng unyon. Gaano katumpak ang sinabi na ito?
Hindi tumpak, at nakalilito pa.
Hindi 10% ang epektibong pagtaas ng sahod ng hindi miyembro ng unyon. Depende sa taunang performance rating ang pagtaas ng sahod ng bawat empleyado na hindi miyembro ng unyon, at nasa ilalim pa ito ng salary cap, batay sa level nila.
Sa huling negosasyon ng CBA, nakipagkasundo ang Unyon na (a) hiwalay ang pagtaas ng sahod nila sa anumang performance rating; at (b) batay sa fixed amount sa halip na porsyento ng kasalukuyang sahod. Sa kasalukuyang negosasyon ng CBA, patuloy na hinihingi ng Unyon ang fixed amount na increase, hiwalay sa anumang performance rating—sa madaling sabi, anuman ang performance sa trabaho, magkakapareho sa lahat ang kanilang across-the-board increase.
Mga Incremental na Nalikom sa Tuition
Ano ang Tuition Incremental Proceeds?
Tuition Incremental Proceeds (TIP) ang halagang nakukuha ng institusyong pang-edukasyon mula sa pagtaas ng matrikula na aprobado taun-taon ng Department of Education (sa basic education), Commission on Higher Education (sa higher education), o ng Legal Education Board (sa law schools). Sa SY 2022-2023, 5.75% ang average na pagtaas ng tuition na aprobado ng DepEd, LEB at CHED sa mga unit ng Ateneo (basic education at higher education).
Mula sa nalikom sa pagtaas ng matrikula, 70% ang inalalaan ng Pamantasan para taasan ang suweldo at benepisyo ng lahat ng 3,109 na empleyado–faculty, formator, staff, administrador, professional, at iba pang non-teaching staff.
Napupunta ang natira mula sa pagtaas ng matrikula (30%) sa pagpapabuti o modernisasyon ng facilities sa pagtuturo, kabilang ang mga laboratoryo at aklatan; at para sa pagbili ng mga bagong gamit at iba pang kasangkapan na kailangan para sa pagtuturo at pagkatuto.
Ano ang sabi ng batas tungkol sa TIP?
Ayon sa batas, napupunta ang 70% ng TIP sa sahod at benepisyo. May karapatang pagpasiyahan ng Pamantasan kung paano gagamitin ang 70% ng TIP para sa lahat ng empleyado. Mangyaring sumangguni sa DECS Order 15, series of 1992 na inilabas noong Enero 30, 1992 para sa higit pang detalye ng regulasyong ito ng pamahalaan.
Paano inilalaan ng Ateneo ang TIP nito?
Nakalaan ang pamamahagi ng 70% ng TIP ayon sa salary ratio, batay sa halaga ng suweldo at benepisyo para sa lahat ng empleyado, kabilang ang mga miyembro ng AEWU.
May kalakihan ang agwat sa pagitan ng opisyal na hinihingi ng Unyon at ng Pamantasan. Paano maipaliliwanag ang malaking pagkakaiba na ito?
P12.6 Million o 200.9% ng prorated na bahagi ng TIP ng Unyon ang halaga ng pinakabagong opisyal na hinihingi ng AEWU para sa School Year 2022-2023.
Sa susunod na School Year 2023-2024, P11 Milyon o 167.4% ng prorated na bahagi ng TIP ng unyon para sa taong ito ang halaga ng pinakabagong opisyal na hinihingi ng AEWU. Hindi pa matutukoy ang TIP sa susunod na school year, dahil batay ito sa aprobadong pagtaas ng tuition fee at aktwal na numero ng enrollment na makukuha lang pagkatapos makompleto ang enrollment sa susunod na school year. Para sa kasalukuyang school year lang ang kaya nating ma-compute.
Sa kasamaang palad, isa pang kahihinatnan ng paghingi ng mas malaking bahagi ng TIP para sa Union ay ang pagliit ng bahagi para sa ibang mga empleyado (halimbawa, guro, propesyonal, formator, non-teaching staff, at iba pa) na hindi miyembro ng unyon.
Iba pang mga isyu sa CBA
Sabi ng AEWU, dahil hindi ibinigay sa kanila ng Pamantasan ang data na hiniling nila, hindi nila mabigyang katwiran ang proposal nila.
Binigyan ng Pamantasan ang Unyon ng kopya ng audited financial statement noong nakaraang taong piskal, ayon sa hinihingi ng batas. Gayunpaman, bukod dito, hindi kailanman humiling ang Unyon ng anumang iba pang dokumento. Makikita ito sa opisyal na meeting minutes ng CBA.
Saan binatay ng Ateneo ang alok nito sa Unyon?
Nakabatay sa ilang bagay ang alok ng Pamantasan sa Unyon:
- Ang kasalukuyan at inaasahang kondisyon na pinansiyal ng Pamantasan, na halos lahat nakabatay sa matrikula at bayarin
- Karampatang pamamahagi ng sahod at benepisyo sa lahat ng empleyado ng Pamantasan
- Pangmatagalang kakayahan na itaguyod ang proposed package
Bakit hindi maibigay ng Ateneo ang hinihingi ng Unyon? Tiyak na kaya itong gawin ng Ateneo, dahil sa mataas na tuition nito.
Non-profit na institusyong pang-edukasyon ang Pamantasang Ateneo de Manila University; unang napupunta ang kita nito sa gastos na nauugnay sa pangunahing misyon ng edukasyon, formation, at pananaliksik. Gumagasta rin ang paaralan ng malaking halaga sa mga scholarship, upang buksan ang pagkakataon na magkapag-aral sa Ateneo ang mga mag-aaral na karapat-dapat ngunit kapos sa pera. Pagkatapos ng mga gastusin, babalik lahat ng labis na kita sa operasyon ng Pamantasan at sa pagpapaunlad at pagpapabuti ng facilities at serbisyo ng paaralan.
Naniniwala ang Pamantasan na ang alok nito sa Unyon ay ang pinaka sustainable at pinaka responsableng opsyon sa pananalapi. Sustainable, dahil naniniwala ang Administrasyon na tinitiyak ng alok nito na gumagastos ang institusyon sa abot ng kanyang makakaya, na nagpapahintulot nitong magpatuloy sa trabaho nito sa mga darating na taon. Responsable sa pananalapi, dahil tinitiyak ng alok ng Pamantasan na ang lahat ng mga empleyado ay may karampatan at patas na bayad batay sa kanilang posisyon at pagganap sa kani-kanilang gawain, na may kaugnayan sa pangunahing misyon ng Pamantasan.
Welga ng Unyon
Kung magwelga ang Unyon, paano maaapektuhan ang operasyon ng Pamantasan?
Sinisigurado ng Administrasyon na kakaunti o halos walang gambala sa operasyon ng Pamantasan, sakaling magwelga ang Unyon. Nakahanda na ang contingency plan upang matiyak ang patuloy na operasyon ng mga paaralan, at hindi maantala ang serbisyo sa iba't ibang stakeholder ng Ateneo, kung sakaling magkulang sa staff.
Iba pang impormasyon
Kumusta ang lagay ng negosasyon ngayon?
Maaring makita ang pinakabagong update, sa pinakabagong CBA Bulletin sa ateneo.edu/cba.
Saan mahahanap ang mga nakaraang CBA sa pagitan ng Ateneo at AEWU?
Mahahanap ang mga CBA mula 2014 hanggang 2022 sa ateneo.edu/cba.
(Na-update ang mga FAQ sa Marso 8, 2023)