Misa para sa Banal na Espiritu ng AJHS
31 Aug 2023
16 Agosto 2023 | 7:45 AM, Binubungang Palaruan ng AJHS
Veni Sancte Espiritus!
Bilang isang pamayanan, ipinagdiwang ng buong Ateneo de Manila Junior High School ang Misa Para sa Banal na Espiritu. Sa misang ito, hiniling na ipagkaloob ng Banal na Espiritu ang kanyang mga biyaya: ang Biyaya ng Karunungan, Pag-Unawa, Kaalaman, Pagpapayo, Katatagan, Kabanalan at Banal na Pagkatakot sa Diyos.
Gayundin, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ating buwan ng wika, ang buong liturhiya sa Banal na Misa ay binigkas sa wikang Filipino at ang mga panalangin ng bayan ay gamit ang iba’t ibang wika ng Pilipinas. Kaugnay nito, ginamit bilang palamuti ng backdrop ang iba't ibang uri ng tela mula sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas. Ang kinalabasan nito ay isang makulay at kaakit-akit na tapestry, na tunay namang nakadagdag sa kasiglahan ng okasyon.
Bilang unang Misa ng taong-aralan, nakapaloob sa pagdiriwang ang missioning rites ng mga mag-aaral, ng mga tagapaghubog, at ng mga magulang, upang sa gayon, lahat ay sama-samang makapaghanda at makasulong sa panibagong taon ng eskwela.
Minabuti ring maglaan ng isang pagpupugay para sa yumaong punong-guro na si Sir Jonny Salvador, bilang pasasalamat sa lahat ng kabutihang ipanagkaloob niya sa komunidad, at bilang inspirasyon na rin para sa lahat.
Sa araw ring ito naisagawa ang pagbabasbas ng mga silid-aralan sa umaga, pagkatapos ng Misa at recess, at ng mga opisina’t work areas naman sa hapon. Itinakda na ring community spiritual hour ang ginawang pagbabasbas, kung saan nagdasal ng Rosaryo ang buong komunidad ng faculty at staff habang umiikot ang chaplain at mga Heswitang scholastics. Taos-puso ang aming pasasalamat sa tulong ng mga Heswita mula sa Loyola House of Studies at Arrupe International Residence.
Sa pamamagitan ng Banal na Misa para sa Banal sa Espiritu at pagbabasbas ng mga silid-aralan at tanggapan ng AJHS, nawa’y tunay na pagpalain at mapukaw-ang-sigla ng lahat sa pagsisimula ng isa na namang bagong taong-pampaaralan.
AM+DG