4Ps: Munting Handog Sa Pagtatapos
24 Jun 2025
Narito ang homiliya ni Fr Flaviano "Flavie" Villanueva, SVD, sa Misa ng Pagtatapos para sa Klase ng 2025 (GBSEALD, SOH, JGSOM, SOSE, at RGLSOSS) na ginanap sa Blue Eagle Gym noong Biyernes, ika-20 ng Hunyo 2025.
May isa akong kwento tungkol sa isang babaeng nagtatapos din tulad ninyo ngayong buwan. Ngunit, mayroon munting pinagkaiba sapagkat, ang kanyang ginawang pagtatapos ng kolehiyo ay udyok ng pagkamatay (o pagpatay) sa kanyang ama at kuya. Si Alice ay biktima ng “tokhang” o gyera laban sa droga ni Rodrigo Duterte. Dahil ang dalawang pinatay - ang kanyang ama at kuya - ay mga “bread winners” ng kanyang pamilya, ngayon si Alice ang siyang tumatayo bilang “breadwinner.”
Nakilala ko si Alice sa isang sekretong pagpupulong noon 2016. Nag-abot ako ng munting panyo at papel kung saan nakasaad, “kung kailangan niyo ng tulong, ito ang aking telepono at address." Pagkaraan ng isang araw ay tumawag si Alice kasama ang kapwa bikitma. Sa una at pangalawang pagtitipon namin, batid ko ang malalim nilang pangangailangan ng psycho-spiritual intervention para matugunan ang kanilang grief at trauma.
Pagkaraan ng ilang buwan ng pakikilakbay kay Alice kasama ang ilang biktima na pinaki-usap ko sa kanyang hanapin at dalhin sa aming munting nabubuong grupo, lumapit sa akin si Alice at nagsabi, “Father, gusto ko lang magpasalamat sa iyo. Hindi mo kami hinusgahan sa panahon na galit sa amin ang gobyerno at lipunan; sa aming pang araw-araw na pagsubok kami ay iyong sinamahan; sa kalituhan at kaguluhan ng isip at buhay araw-araw gabay sa pagllilinaw ang iyong handog; sinalamin mo si Kristo, ang Kanyang sugat at pagkabuhay na may dala sa aming paghilom at pag-asa. Salamat po, Padre. Dahil dyan, nagpasya ako na babangon at tatapusin ang aking pag-aaral!” Nasabi ko pabiro, "naku, maghahanap tayo ng pangmatrikula mo! Pero pwera biro, nakaka-asa ka na naririto ako ngayon at palagi."
Sa Ebanghelyo makikita natin si Hesus na nagbabasa mula sa scroll. May kumpyansa, may dating. Dinakila Siya ng lahat! Ngunit, maganda rin na malaman na bago sya dakilain, bago Siya nakagawa ng mga dakilang bagay at nagsimula ng public ministry, si Hesus ay dumaan sa matinding pagsubok. Ngunit gabay ng Espiritu Santo, pinagdaigan Niya ang mga pagsubok na ito. Ang Espiritu Santo ang Siyang gumabay at nagpalakas kay Hesus sa panahon ng pagsubok at paglilinaw. At pagkaraan ng malalim na karanasan sa disyerto doon lang si Hesus lumakad patungo sa kanyang misyon.
Kaya sa iyong pagtatapos at bagong misyong haharapin, pahintulutan po ninyo akong mag bigay ng munting graduation gift parang ng 3 Ps. Wala po akong maiaabot na ayuda na pang-4Ps kaya 3 Ps lang.
1. Pagsubok: Value: Hope / Call: “Hope-Givers”
Tulad ni Hesus na sinubok sa disyerto. Tulad ni Alice na sinubok ng “tokhang”.
Lahat tayo ay dumadaan sa pagsubok. Wala pong ligtas dyan. Parang traffic. Realidad ng buhay kayat hindi dapat katakutan kundi dapat paghandaan.
Ang tingin ko sa pagsubok ay parang fork sa daan. Pwede kang dumaan sa kaliwa o pwede sa kanan.
Parati bang tama ang pinipili natin?
Ang pagsusubok upang ito’y matugunan sa tamang pamamaraan, ito’y may mga pangangailangang bagay-bagay, tulad ng, tamang pag ninilay, may mga angkop na batayan, may gabay ng Espiritu Santo (hindi yung ginagamit lang ang Espiritu Santo para sa kanilang sariling kapakanan). Sa personal kong karanasan, ang paghahanap ng at sa “katotohanan” sa hinaharap na pagsubok ay malaking lunas o daan para malagpasan ang pagsubok (Discerned Truth).
Isa pang-value ay sa kabila ng matinding pagsubok, malaking tulong sa dumaraan sa pagsubok ay may naaanigan siyang “pag-asa”. Kaya, napaka-ganda na kayong may kakayanan, tayo ay maging “tulay ng pag-asa” sa mga dumaraan ng pag-subok.
2. Paglilinaw: Value: Katotohanan / Call: “Truth-Teller”
Dahil dumaan tayo sa pagsubok ay maaari tayong humantong sa pangalawang P – Paglilinaw.
Ang usapin sa paglilinaw bukod sa paglilinaw ng hinaharap na pagsubok ay ang paglilinaw kung “sino ako?” “Ano ang aking mga kahinaan at kakayanan?” “Ano ang mga mahahalaga at di gaanong mahalaga sa akin?” Batay sa mga sagot at paglilinaw sa mga tanging, dito lalabas at lilinaw ang ating mga values. Kapag malinaw na ang ating mga values at kung sino ako, mas madali nang harapin ang pagsubok, di ba?
Para sa akin, ang mga matitimbang na values na lumilitaw sa mga nagdaang taon ay naka-ugat sa “tatlong K” Kristo, Katotohanan, Katarungan.
Dahil sa mga karanasan natin na sinubok tayo, may pagkakataon magkaroon ng paglilinaw ang kamalayan sa sarili.
Sino ba talaga ako? Ano ba ang mahalaga sa akin? Ano ang hindi ko papayagan mangyari?
Napakahalaga na buo at malinaw ang pagkakakilala sa ating sarili at ang Katotohanan. Bakit? Hindi na magiging komplikado ang mga pagsubok. Kapag tayo’y naka-ugat sa katotohanan at kilala natin ang ating mga kakayanan at limitasyon, alam natin kung paano gumalaw at magdesisyon. 'Di ba mas lilinaw ang ating hinaharap, ano man ang ating hinaharap.
3. Pagtawag: Value: Saksi / Call: Wounded-Healer (Tagapaghilom Sa Kapwa)
Tulad ng paniniwala ninyo sa Ateneo na maging Man for Others o Kristyano Tagapaghilom sa Kapwa, ako ay naniniwala na ang aking buhay ay may kabuluhan lamang kung ito ay nasa serbisyo ng Diyos at ng kapwa, Bayan at Kalikasan. Yung aming Arnold Janssen Kalinga Center ngayon ay may 10 taon na at nakakapagbigay ng mahigit kumulang 1,400 na tanghalian at ligo bawat Linggo. Isa na yata ako sa pinakamalaking buyer ng bigas na hindi restaurant o hotel. Sa restaurant at hotel hindi po nakakapasok ang mga kliyente ko.
Sapagkat sila ay ang mga homeless ng Metro Manila. Kaaway ko ang barangay, nagtalo kami dati ng aming superior. Ang totoo, ng una, hindi sila sang-ayun sa plano at may pagdududa. Ngunit, dala ng malalim na dasal, paglilinaw at pakikinig sa gabay ng Espiritu Santo, ito’y nabuksan at nagsimula nung July 16, 2015. Noon ay iilan lang kami na nagluluto at nagsisilbi.
Napakahirap.
Napakahirap ng pangatlong P – Pagtawag.
Ang hirap nung trabaho. Pero kaya naman. Mas mahirap maghanap ng pambili. Pero dahil napakalinaw ng Pagtawag ni Hesus, ang mga pagsusubok ay naitatawid. Pag tinawag ka ni Hesus, bigyan nyo ng pansin. Mahirap, pero walang katumbas na kasiyahan ang maging tapat sa pagtawag ni Hesus.
Sa pagwawakas:
Bukas at sa mga susunod na buwan, pag iniwan nyo na ng panandalian ang Ateneo tandaan:
- Maging handa at huwag matakot sa mga PAGSUBOK na dadating, maging tagapag “tulay ng pag- asa”.
- Gamitin ang pagsubok para sa PAGLILINAW ng inyong values at pagkatao. Sa pag- uugat ng sarili sa Katotohanan, maging Truth-Teller saan ka man naroon.
- Sagutin ang PAGTAWAG ni Hesus na magmahal at maging Kristyanong Tagapaghilom sa Kapwa.
Samahan nyo ako sa maikling dasal:
Mahal na Ama, Hesus, at Espiritu Santo - narito po ang inyong mga minamahal na graduates. Basbasan mo po sila at ang mga nagtaguyod at naniwala sa kanila para marating ang araw na ito ng kanilang pagtatapos at pagsimulang muli. Naway gabayan mo sila sa bawat pagsubok para malampasan nila ang mga ito hawak ang iyong kamay.
Sana ay lagi silang magnilay at pakinggan ang iyong boses sa panahon ng Paglilinaw ng kanilang mga pinaninindigan.
At patuloy mo silang bigyan ng tapang na sagutin ang inyong Pagtawag sa kanila sa ganap na buhay na plano mo para sa kanila.
Amen!