[AGS] National Peace Consciousness Month
21 Sep 2026
Ngayong buwan ng Setyembre 2026, muli ipinagdiriwang ang National Peace Consciousness Month. Ang tema para sa taong ito ay “KAPAYAPAAN PAGTIBAYIN, KAUNLARAN PAIGTINGIN.” Muling pinaaalala sa ating mga Filipino ang kahalagahan ng kapayapaan. Binibigyang diin nito ang pangmatagalang kapayapaan upang makamit ang patuloy na pag-unlad ng ating bayan.
Makikita sa logo para sa taong ito ang isang kalapati na siyang simbolo ng kapayapaan, katahimikan at pag-asa na nais makamtan ng isang malayang lipunan. Ang mga sinag ng araw naman ay siyang kumakatawan sa isang bagong simula at mas magandang kinabukasan. Tulad ng ating bandila, nasa logo rin ang tatlong bituin na simbolo ng pagkakaisa ng Luzon, Visayas at Mindanao.
Hindi lamang kawalan ng digmaan ang kapayapaan. Makakamit din ang kapayapaan kung patuloy na matutugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan at masisiguro ang maayos at disenteng pamumuhay ng bawat isa. Sa pag-unlad at progreso ng isang bansa, mahalagang laging isaisip ang kapakanan ng mga mamamayan, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan. Sa pagpapalawak at pagpapalaganap ng kapayapaan, maaari rin nating maabot ang kaunlaran ng ating bansa.
Isinulat nina G. Enrico N. Mascenon at Gng. Ma. Teresa Q. Ibarrientos
Saggunian at disenyo mula sa Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU)
https://peace.gov.ph/about-opapru/
https://www.facebook.com/share/v/1CNXY51kH2/