[Hot Off the Press] Ang Mga Alipin
25 Apr 2025 | Ateneo University Press
Ang Mga Alipin, isang eksperimental na Noli Me Tangere para sa kasalukuyang panahon
Ang Ang Mga Alipin, ang pinakabagong nobela ni U Z Eliserio, ay naglalayong ipamulat sa atin sa pamamagitan ng katatawanan at panunuya ang mga sakit ng lipunan sa kasalukuyang henerasyon. Pamilyar ba? Bawat kabanata ng Noli Me Tangere ay tinapatan ng manunulat ng kaakibat na kuwento na naaayon sa mga nangyayari ngayon sa panahon ng blockchain at social media. Sa tangkang sundan ang mga yapak ni Rizal, siya ay humuhugot sa parehong nasyonalistang layunin na makapagpukaw sa kamalayang panlipunan ng mga Pilipino.
Tinawag ni Dekki Morales ng PUP Kagawaran ng Filipinolohiya at PUP Center for Creative Writing na “parang 4 in 1 na kape” ang nobela dahil “sa yaman ng nilalaman. Bukod sa isang satirikal na nobela tungkol sa preokupasyon ng mga investor sa cryptocurrency, vlogger at influencer na quirky at pumoposturang mulat, naglalaman din ang kanyang akda ng mga kuro-kuro at pagdedebate ng mga tauhan ukol sa panlipunang pilosopiya, relihiyon, pulitika, kritisismo sa panitikan at komentaryo sa kultura…tunghayan dito sa bagong nobela ni [Eliserio] ang kanyang parodiya sa mga pinagkakaabalahan ng mga kasalukuyang burgis at middle class sa Pilipinas”.
Ayon naman kay R B Abiva, makata, nobelista, at dating bilanggong pulitikal: “At ang bago marahil sa malikhaing interbensiyong ito [ay] ang walang kapangi-pangiming paghuhubad niya sa mapagkunwari at makamandag na blusa ng mga sala-salabat na pangyayari, persona, at arketipong aywan at bakit magpahanggang sa ngayon ay sinasamba at niluluhuran na parang nakahihigit pa sa Diyos ng sanlibutan.”
Kilalanin ang bidang kontrabida na si Christopher Supalpal, na galing sa Europa at punong-puno ng mga progresibong ideya para umunlad. . .ang sarili. Dagdag pa ni Morales na mala-sinematiko ang pamamaraan ng pagkuwento ng nobela at nagbabala sa pagsakit ng panga mula sa sangkaterbang hirit at patama na magpapatawa sa mga mambabasa—o dili kaya ay kukurot sa konsiyensiya. Eksperimental ang pag-atake sa mga tema at anyo, kaya bagay ito para sa mga taong mahilig sa mga librong hindi pangkaraniwan.
Tungkol sa may-akda
Si U Z. Eliserio ay nagtuturo ng Filipino sa UP Diliman. Pinakabago niyang libro ang Diksyonaryo-Gabay sa mga Gawa ni Berry Manansala (SWF-Diliman 2024). Independyente niyang inilathala ang nobelang Sa mga Suso ng Liwanag noong 2006. Naitanghal na ang kanyang mga dula sa Virgin Labfest sa Cultural Center of the Philippines, kasama ang ilan sa mga ito sa koleksyong Kolab (UP Press 2018, ko-awtor sina Chuckberry Pascual at Maynard Manansala). Nagwagi ang ikalawang bahagi ng kanyang trilohiyang Inspektor Beneral, Ang Trahedya ni Bert, sa Palanca noong 2024. Naisalin na ni Eliserio sina Rousseau, Bakunin, at Nietzsche. Bisitahin siya sa ueliserio.com/books.
Ang Ang Mga Alipin ay inilathala ng Ateneo de Manila University Press sa ilalim ng Bughaw na imprint nito. Mabibili ito sa halagang PHP 750 at mahahanap ito sa Ateneo University Press Bookshop sa Bellarmine Hall, at sa aming opisyal na website, Shopee at Lazada stores.
Bilhin ang libro: Website | Shopee and Lazada