[Hot Off the Press] Angas? Mga Tula
17 Mar 2025 | Ateneo University Press
Angas? Mga Tula, isang Interogasyon sa karanasan at kaharasan ng pagiging lalake
Ano ba ang ibig sabihin ng pagiging lalaki sa kasalukuyang panahon? Isang bagong aklat mula sa Ateneo University Press ang Angas? ni Paolo Tiausas na sinisiyasat ang lalake, ang pagiging lalake, at ang pagkalalake—kabilang na ang mga kumplikadong karanasan at karahasan nito.
Ang librong ito ay isang interogasyon ng sarili at kung paano siya naapektuhan at nakapaloob sa isang mundong pinaiiral ng patriyarkiya at toxic masculinity. Ipinapakita ng mga tula kung paano nakikipagbuno ang makata sa kahulugan ng pagkalalake at kung paano niya hinahanap ang sarili sa espasyo na ito sa pamamagitan ng mga retrato mula sa kanyang buhay—ang pagsasandigan sa ama, ang mga aral ng kabarkada’t kaklase sa all-boys’ high school, ang mga minamahal subalit hindi masabi, ang mga sandaling hindi matakasan ang panganib ng pagiging sarili. At sa puso ng koleksyon na ito ay ang tanong: Paano ilulugar ng lalake ang sarili sa karahasan ng kanyang angas at paano niya haharapin ang katambal nitong pagkaagnas?
Pinupuri ng makata at nobelista na si Edgar Calabia Samar ang lalim ng mga tula: “Sinisipat ng Angas? ni Paolo Tiausas ang mga posibilidad ng paglalantad sa karahasan nang ‘tila lohikal, araw-araw, at karaniwan nang metamorposis’ lalo’t kabilang ka sa mga salarin—kung paano itataludtod ang mga maniobra ng alaala sa mga sanda-sandaling pagkapit sa mga pangngalang pantangi ng pambalanang karanasan ng pagkagumon sa mga kinamihasnang tagisan at kahungkagan ng lakas at kapangyarihan. Pagkatapos kong basahin ang mga tula, parang biglang hindi ako makakilos—pinagdududahan ang intensiyon ng bawat hakbang, may hilakbot kahit sa kaunting kibot, naghihilahan ang suntok at pakikipagkamay, hindi mapagkatiwalaan ang sariling katawan na isinilang na parang laging handang manakit at saktan—dahil napakaraming hayop sa daigdig na lumilikha sa isa’t isa ng tapang at kahinaan, dahil ‘ang kasaysayan ng pagkakamali / ay kasaysayan ng lalake,’ dahil natutunaw ang puso sa siyudad ng pananahimik, at kailangang isakdal ang mga ‘walang alintana sa nabibiyak nang lupa.’ Kuhang-kuha ni Tiausas ang salimuot ng pakikipagtuos ng lungkot sa himagsik dahil sa pagsasadlak sa atin ng daigdig bilang kasapakat sa gayon at gayon ding kasawian. Patunay ang koleksiyong ito na isa si Tiausas sa pinakamahahalagang tinig ng bagong henerasyon ng mga makata na tinitibag ang lahat ng yabang sa buhay at pagtula sa tuwing ‘may halimaw na namang nabuo sa pagkatao mo.’”
Ang Angas? ay para sa mga taong nais din siyasatin ang papel ng patriyarkiya at toxic masculinity sa pang-araw-araw nilang danas at upang makahanap sila ng paraan na makalaya sa mga kadena nito.
Tungkol sa May-akda
Si Paolo Tiausas ang may-akda ng Tuwing Nag-iisa sa Mapa ng Buntong-hininga (University of the Philippines Press, 2021), na nagwagi bilang Best Book of Poetry in Filipino sa 40th National Book Awards. Noong 2021, pinarangalan siyang Makata ng Taón sa Talaang Gintô ng Komisyon sa Wikang Filipino. Noong 2024, lumahok siya sa Kyoto Writers Residency na ginanap sa Kyoto, Japan. Nagawaran na rin siya sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Patnugot siya ng TLDTD, isang online journal para sa mga tula at makatang Filipino.

Angas? Mga tula ay inilathala ng Ateneo de Manila University Press sa ilalim ng Bughaw na imprint nito. Mabibili ito sa halagang PHP 495 at mahahanap ito sa Ateneo University Press Bookshop sa Bellarmine Hall, at sa aming opisyal na website, Shopee at Lazada stores.