[AGS] National Peace Consciousness Month
09 Sep 2024
Tuwing Setyembre, ipinagdiriwang sa ating bansa ang National Peace Consciousness Month upang ipamulat sa bawat Pilipino ang kahalagahan ng kapayapaan. Ngayong taon, ang temang “Bagong Pilipinas: Transforming Minds, Transforming Lives” ay nagpapakita ng pangako ng pamahalaan at sambayanan na magtulungan upang makamit ang isang mapayapa at maunlad na bayan. Ito’y isang paalala sa atin na mahalaga ang pagkakaisa, pagtutulungan, at positibong pananaw upang labanan ang mga suliranin na nagiging sanhi ng alitan at kaguluhan.
Ang logo ngayong taon ay kinabibilangan ng paikot na tatlong taong may kulay ng watawat ng Pilipinas – sumisimbolo ng patuloy na pagbabago ng isipan at buhay ng mga Pilipino. Kasama ng bilang na dalawampu (20) sa larawan ang simbolo ng araw na naglalarawan na ang kapayapaan ay mahalaga sa pagbuo ng mas matatag at matibay na bansa.
Nawa’y maalala ng bawat isa sa atin na ang kapayapaan ay hindi lamang isang estado ng katahimikan ngunit ito ay isang proseso ng patuloy na pagbabago na nagsisimula sa ating mga sarili. Ang bawat isa sa atin ay may tungkulin upang mapanatili ang kapayapaan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan, pag-unawa sa isa’t isa at pagmamalasakit sa kapwa.
Isinulat ni Bb. Caira Nicole Oliva
Inirebisa ni Gng. Ella-Marie B. Flores
Saggunian at disenyo mula sa Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU)