Skip to main content
Main Secondary Navigation
  • About Ateneo de Manila
  • Schools
  • Research
  • Global
  • Alumni
  • Giving
  • News
  • Events
Main navigation
  • Learn & Grow
  • Discover & Create
  • Make an Impact
  • Campus & Community
  • Apply
  • Home >
  • News >
  • Hindi lang numero ang batayan

Hindi lang numero ang batayan

22 Jun 2024 | Karen Joy Perez

Read the valedictory address of Karen Joy Perez (AB Sociology '24) during the 2024 University Commencement last Friday, 21 June 2024.

Photo by Aaron Vicencio


Ang kanyang kabunyian, Luis Antonio G. Cardinal Tagle, panauhing pandangal ngayong araw; P. Xavier L. Olin ng Kapisanan ni Hesus, pinuno ng Kapisanan ni Hesus sa Pilipinas; Ms. Bernardine T. Siy, Tagapangulo ng Lupon ng mga Tagapangasiwa ng Pamantasang Ateneo de Manila; P. Roberto C. Yap ng Kapisanan ni Hesus, Pangulo ng ating Pamantasan; mga kasapi ng Lupon ng mga Tagapangasiwa ng Pamantasan, Dr. Maria Luz Vilches, Pangalawang Pangulo para sa Lalong Mataas na Edukasyon; mga tagapangulo ng mga kagawaran at programang akademiko, mga miyembro ng kaguruan, mga administrador at kawani na tumulong upang maisagawa ang programang ito, mga panauhin–magandang araw po sa inyong lahat. Higit sa lahat, magandang araw sa aking mga kapwa magsisipagtapos at sa lahat ng aming mga pamilya at kaibigan–kasama man namin ngayon o hindi–na walang sawang sumuporta sa amin mula noong pumapasok kaming walang ligo dahil online lang naman, hanggang sa araw na itong ayos na ayos tayong lahat.

Bilang mga tao, napakahilig nating magbilang. Sabi sa kantang Seasons of Love, 525, 600 minutes ang lumilipas sa bawat taon. Pero nasasalamin ba ng bilang na ito ang mga karanasan at alaala natin sa paglipas ng bawat minuto? Sapat nga ba ang mga numero bilang panukat ng mga bagay?

Bilang isang sociology major na merong tatlong units lang ng math sa loob ng buong apat na taon ko sa kolehiyo, malinaw na “hindi” ang sagot ko rito. Dahil kung pati sa pagiging Atenista numero lang ang batayan, lugi na tayo agad diyan.

Kung numero lang ang batayan ng pagiging isang Atenista, baka hindi tayo pumasa. Ang isang karaniwang Atenista ay dapat na nakaranas ng apat na taon sa kolehiyo–humigit-kumulang 2,102,400 minutes. Magsisimula dapat ang iyong taon sa OrSem, pupunuin ang mga araw ng pagkukumahog na makalipat mula sa bawat klasrum at pagtambay sa kung saan mapiling palipasin ang oras, at magtatapos sa graduation. Ngunit, batid nating lahat na walang pangkaraniwan sa naging karanasan ng ating batch sa Ateneo dahil ginulat tayong  lahat ng COVID-19 noong 2020. Bagaman nagsimula rin ang ating kolehiyo sa OrSem, pinagitnaan tayo ng ating mga laptop o cellphone kung saan ang lahat ay isang maliit na thumbnail lamang. Sa loob ng dalawang taon, ang mga araw natin ay napuno ng halos walang patid na pakikipagtitigan sa ating mga screen, kabisado na natin ang mga linyahang “can I be heard?” at “can you see my screen?” Sa halip na tumambay sa MVP o Gonzaga, naging takbuhan natin ang Discord, Telegram, at kung anu-ano pang mga online sites at applications para maramdamang hindi tayo mag-isa.

Hindi sa bilis o tagal

Kung susumahin, humigit-kumulang 1,051,200 minutes lang ang iginugol natin sa loob ng campus–kung ito lang ang bibilangin, magtatapos tayo ngayong puno ng panghihinayang, ng pakiramdam na may kulang. Pero hindi naman dinidiktahan ng bilis o tagal nang inilagi natin sa campus ang nibel ng ligayang naramdaman natin habang nasa kolehiyo tayo. Bago pa natin mapagtantong may mga paa pala ang mga dating nakikita lang natin sa screen, pinunan ng mga kamag-anak natin sa bahay ang espasyong inilalaan natin para sa ating mga kaklase. Sila ang nagsilbing kadaldalan kung inaantok na, kasabay kumain kahit madaling-araw na, at kalabasan ng sama ng loob kung bumibigat na ang ating mga dala-dala. Tiyak din akong tinagos ng ating mga nabuong pagkakaibigan ang mga screen na namagitan sa atin; nalagpasan ng dedikasyon ng ating mga professor ang paputol-putol na koneksyon ng wifi; at nanatiling maningning ang mga alaalang nagawa natin kahit pa ang ilan sa mga ito’y naranasan natin mula sa ating kani-kaniyang tahanan. Kahit halos dalawang taon lang tayong nakatungtong sa campus, naging siksik, liglig at umaapaw ang bawat araw ng mga karanasang bibitbitin natin sa ating paglisan. Ang pagiging Atenista ay hindi nasusukat sa bilis o tagal dahil ang kalidad ng karanasan ay hindi sa oras binibilang.

Kung numero lang ang batayan ng pagiging isang Atenista, malamang wala ako rito at ang iba pang mga iskolar na tulad ko. Sa kasalukuyan, humigit-kumulang limang libo ang kailangang bayaran ng isang Atenista para sa bawat unit na kinukuha niya. Kung 21 ang average load bawat semestre, higit sa isang daang libong piso ang dapat gastusin para sa matrikula; wala pa rito ang iba pang miscellaneous fees, at allowance pang-kain at pamasahe araw-araw. Ngunit, dahil sa kabutihang loob ng mga benefactors at donors, natatamasa rin ng mga iskolar na tulad ko ang kalidad na edukasyon at paghubog na ibinibigay ng Ateneo kahit pa ang ilan sa amin kaunti na lang ang kailangang bayaran, ang iba nga’y wala na talaga.

Hindi sa halaga ng salapi

Sa tuwing inilalarawan ang scholar community, madalas ding binabalikan ang aming bilang–humigit-kumulang 600 kaming iskolar sa Batch 2024–pero hindi lang din numero ang basehan ng identidad o pagkakakilanlan ng mga iskolar. Hindi lang kami karagdagang porsyento ng budget na dapat bawasan upang mabigyang-daan ang iba pang dapat pagkagastusan. Hindi lang kami estadistikang maaaring gamiting rason upang hindi mataasan ang sweldo ng mga empleyado o pruweba upang patunayang makatao at inklusibo ang Ateneo. Bawat isang Atenistang iskolar na bumubuo sa higit 20% ng ating komunidad ay may iba’t-ibang kwento, iba’t-ibang motibasyon, iba’t-ibang pinanggagalingan. Hindi rin naitatala ng simpleng tantos sa listahan o figure sa graph ang nibel ng naging pagpupursigi ng isang iskolar upang patunayan ang sarili, ang tapang na inipon niya upang harapin ang mga walang kasiguraduhan, at ang tibay ng loob na binuo niya upang bitbitin ang pangarap ng lahat ng mga taong naniniwala sa kanya. Ang pagiging Atenista ay hindi nasusukat ng halagang binayaran, dahil ang kakayahang ipaglaban ang pangarap ay hindi napepresyuhan.

Kung numero lang ang batayan ng pagiging isang Atenista, siguro nawalan na tayo ng malasakit sa isa’t isa. Noong nakaraang taon, naging maingay ang Ateneo Employees and Workers’ Union (AEWU) sa kanilang panawagang mabigyan ng karampatang sahod at mga benepisyo kapalit ng kanilang serbisyo. Sa kabila ng mababang sweldo, hindi tumigil ang ating mga non-teaching staff sa kanilang paglilingkod sa ating komunidad at pagsisigurong magiging maayos ang ating karanasan sa campus. Nitong nakalipas na mga buwan, naging isyu rin ang pagpapatuloy ng onsite classes sa kabila ng mataas na heat index na ating naranasan. Kasunod nito ang naging pagkilala sa Ateneo bilang top 1 university in the Philippines ayon sa Times Higher Education Asia University Rankings, kung saan malaking basehan ang research at publications ng isang unibersidad. Sa kabila ng desisyon ng pamunuang ituloy ang onsite modality, minabuti na ng ilang mga professor na magdaos ng online classes para sa kalusugan ng mga estudyante dala ng matinding init. Dagdag pa rito, sa kabila ng pagiging abala sa kani-kanilang mga research at iba pang mga tungkulin, hindi nalilimutan ng mga professor na maglaan ng oras para gabayan, alalayan, at kumustahin ang kani-kanilang mga estudyante.

Hindi sa dami, kundi sa lalim

Kung aalisin natin ang ating malasakit para sa kapwa, baka naging robots for others tayo sa halip na persons for and with others. Mga robot na nakasunod lang sa utos ng iba, walang pakiramdam, pang-unawa, o paninindigan. Walang dudang mahalaga ang performance ratings, ang perfect attendance, at ang university rankings, ngunit sa huli, mas matimbang pa rin ang kapakanan ng mga tao–hindi po ba? Ang cura personalis ay pagkilala at pangangalaga sa pagkatao ng isang indibidwal, hindi lang dahil sa mga kaya niyang gawin, kundi dahil sa kanyang kabuuang dignidad. Ang magis ay hindi lang more, kundi much. Hindi ang dami, kundi ang lalim–ng pagmamalasakit, ng pag-aaruga, ng pagmamahal. Ang pagiging Atenista ay hindi nasusukat ng mga marka dahil ang kahalagahan ng mga taong bumubuo sa Ateneo ay hindi naman naisasalamin ng kahit anong ranggo.

Kung numero lang ang batayan ng pagiging isang matagumpay na Atenista, marahil hindi ko pinili ang kursong sosyolohiya. Sa kabila nito, pinakita sa akin ng aming mga naging aktibidad na hindi matatawaran ang karanasang makakilala ng iba’t ibang mga tao, maunawaan ang mundo mula sa kanilang punto de bista, at makagawa ng paraan upang mapabuti ang kanilang kalagayan. Hindi naman masamang magkaroon ng mataas na sweldo. Sa totoo lang, money can buy happiness; pero ang hindi nabibili ng pera: ligaya. Sa DLQ o Discerning Life Questions–isang required core subject para sa mga seniors–inilalarawan ang happiness bilang panandalian at may partikular na dahilan. Sa kabilang banda, ang tunay na ligaya o joy ay mas malalim, naka-angkla sa kapayapaan ng kaloobang dala ng pagiging buo bilang tao. Kung happiness ang dulot ng pagkakaroon ng mataas na sweldo, makakamit ang joy sa paggamit ng halagang ito para sa higit na nakabubuti–hindi lang ng sarili, kundi ng pamilya, ng komunidad, ng mas nakararami.

Kung lahat ng ito ay pera-pera lang, baka taxation o management dapat ang core courses natin. Madalas pang ginagawang biro na pagkatapos ng kolehiyo, magiging mga alipin na tayo ng salapi. Ngunit, sana huwag nating ibenta ang mga paniniwalang hinubog ng ating mga naging karanasan sa nakalipas na apat na taon, lalo na sa “Golden Era” na dinaranas natin ngayon. Sana huwag nating kalimutan ang panawagan ng paglilingkod, hindi lang ng pagbaba sa bundok, kundi ng paninigurong darating ang panahong wala nang bundok na mamamagitan sa ating lipunan. Saan man tayo dalhin ng ating mga susunod na magiging pagpili, sana huwag nating hayaang matabunan ng kasakiman ang ating mga pinaglalaban. Ang pagiging matagumpay na Atenista ay hindi batay sa yaman dahil sa tunay na one big fight, prinsipyo ang kailangan.

Higit pa sa anumang numero

Kung numero lang ang batayan ng pagiging isang Atenista, siguro matagal na ang limang minuto para sa talumpating ito. Sana binanggit ko na lang kung ilan ang magtatapos, ilan ang estudyante bawat program, ilan ang mga iskolar, ano ang average QPI ng lahat, sabay sabi ng “And I, thank you!” Pero kung paanong ang 525,600 minutes ng isang taon ay hindi lang binubuo ng walang kahulugang paglipas ng oras, ang bawat Atenistang narito ay may kwenta dahil sa kani-kanilang mga kwento. Kahit gaano katagal o kabilis ang naging paglagi mo sa campus na ito, kahit gaano kalawak o kalimitado ang naging kakayahan mong bayaran ang matrikula mo, kahit gaano kataas o kababa ang naging ranking ng Ateneo na inabutan mo, kahit gaano kalaki o kaliit ang sweldong inaasahan mo–Atenista ka. Atenista ka dahil nandito ka, at kahit ngayong aalis na tayo, ang Ateneo ay mananatili [sa puso].

Muli, maraming salamat po at malugod na pagbati sa lahat ng mga magsisipagtapos! Ad Majorem Dei Gloriam!

Education General Interest Alumni Mission, Identity, & Formation Gokongwei Brothers School of Education and Learning Design School of Humanities John Gokongwei School of Management School of Science and Engineering Rosita G Leong School of Social Sciences
Share:

Recent News

Testing Updating of Medical Record

16 Jul 2025

One Big Flight of the tiniest wings: AIS installs 16th pollinator pocket in Ateneo at the Grade School Complex

15 Jul 2025

RGL Hub examines the intersection of health and politics in Brown Bag Session

15 Jul 2025

Updating of Medical Records First Semester SY 2025-2026 (College OHS Memo)

15 Jul 2025

AIS bridges climate change education through interactive workshop

15 Jul 2025

Fire stove project of DS majors receives 2025 ASCEND Excellence Award

15 Jul 2025

From vision to reality: 10 new homes turned over in German Village, GK Kalikasan, Cabiao, Nueva Ecija

15 Jul 2025

AJHS chess wizards Fua and Co help Team PH shine at 23rd ASEAN+ Age Group Chess Championships

15 Jul 2025

Join the Ateneo Art Gallery for an ArtSpeak session with Baguio artists at Ili-likha Artists Wateringhole this 24 July

14 Jul 2025

Application for Credit for the College Board’s Advanced Placement (AP) or International Baccalaureate Diploma Programme (IB DP) for the First Semester of SY 2025-2026 (OUR Memo)

14 Jul 2025

You may also like these articles

Eagle1

16 Jul 2025

Testing Updating of Medical Record

Immunization Record

Eagle1

15 Jul 2025

Updating of Medical Records First Semester SY 2025-2026 (College OHS Memo)

15 July 2025 TO: Undergraduate and Graduate Students FROM: Higher Education Office of Health Services-College SUBJECT: Updating of Medical Records First Semester SY 2025-2026 Please

CF

15 Jul 2025

AIS bridges climate change education through interactive workshop

Last 08 July 2025, the Ateneo Institute of Sustainability (AIS) hosted a three-hour workshop modeled after Climate Fresk , a global, science-based collaborative mapping project

Salutuan

15 Jul 2025

Fire stove project of DS majors receives 2025 ASCEND Excellence Award

This year’s ASCEND Excellence Award for College Coursework Research was awarded to Team Kaibanan sa Kalambuan, composed of Christine Noelle Choo, Glenn Derwin Dela Torre

GKA July 1

15 Jul 2025

From vision to reality: 10 new homes turned over in German Village, GK Kalikasan, Cabiao, Nueva Ecija

On 12 April 2025, ten families were formally welcomed into their new homes during a house turnover ceremony at the German Village in Gawad Kalinga

GSBE ArtSpeak

14 Jul 2025

Join the Ateneo Art Gallery for an ArtSpeak session with Baguio artists at Ili-likha Artists Wateringhole this 24 July

The Ateneo Art Gallery presents a conversation with featured Baguio artists of the exhibition “Gongs. Smoke. Blood. Earth.” on 24 July (Thursday), 1:30pm to 3:30pm

Katipunan Avenue, Loyola Heights, Quezon City 1108, Philippines

info@ateneo.edu

+63 2 8426 6001

Connect With Us
  • Contact Ateneo
  • A to Z Directory
  • Social Media
Information for
  • Current Students
  • Prospective Students
  • International Students
  • Faculty & Staff
  • Alumni
  • Researchers & Visiting Academics
  • Parents
  • Donors & Partners
  • Visitors & Media
  • Careers
Security & Emergency
  • COVID-19
  • Campus Safety
  • Network & Tech
  • Emergency Management
  • Disaster Preparedness
Digital Resources
  • AteneoBlueCloud
  • Archium
  • Rizal Library
  • Ateneo Mail (Staff)
  • Ateneo Student Email
  • Alumni Mail
  • Branding & Trademarks
  • Data Privacy
  • Acceptable Use Policy
  • Report Website Issues
  • Ateneo Network
  • Philippine Jesuits

Copyright © 2022 Ateneo de Manila University. All rights reserved. | info@ateneo.edu | +63 2 8426 6001