Skip to main content
Main Secondary Navigation
  • About Ateneo de Manila
  • Schools
  • Research
  • Global
  • Alumni
  • Giving
  • News
  • Events
Main navigation
  • Learn & Grow
  • Discover & Create
  • Make an Impact
  • Campus & Community
  • Apply
  • Home >
  • News >
  • [Tinig] Isang Mabathalang Karanasan mula sa Laylayan: Paggunita sa Isang Engkuwentro

[Tinig] Isang Mabathalang Karanasan mula sa Laylayan: Paggunita sa Isang Engkuwentro

09 May 2023 | Jonathan James O Canete

Tunay nga na may mga karanasan na tumimo sa ating kalooban–mga karanasan na gumising sa ating kamalayan at humubog sa ating pananaw sa buhay at sa ating pagkatao. Sa paggunitang ito, naranasan ko ang isang di-malilimutang engkuwentro sa isang binatilyong survivor ng super bagyong Yolanda na gumising sa aking kamalayan tungkol sa di-matatawarang presensiya at pagkilos ng Diyos sa buhay ng isang tao, isang Diyos na buháy na buháy at nagpapamalas ng kaniyang presensiya sa kasimplehan at hiwaga ng ating pag-iral. Ang engkuwentrong ito ay tinawag kong isang Mabathalang karanasan sapagkat ang naratibo ng karanasan ng pighati at sákit ng isang nakaranas ng lupit ng super bagyong Yolanda ang siyang nagbigay-daan sa pagpapakilala ng Diyos. Isang uri ng pagpapakilala na nagpabago sa aking kamalayang panrelihiyon at pagkakaunawa sa Diyos. Sa limitadong pag-abot-tanaw ng aking kaisipan, hayaan ninyong ilahad ko ang Mabathalang engkuwentrong ito. 

Sariwa pa sa aking isipan ang isang karanasan na bumago sa aking pananaw tungkol sa Maykapal at sa puwang ng relihiyon sa buhay ng isang tao. Ang Nobyembre 2013 ang isa marahil sa mga di-malilimutang pangyayari sa kolektibong kamalayan ng mga Filipino sapagkat sa buwang ito nanalasà ang super bagyong Yolanda sa Tacloban at sa mga karatig-bayan nito. Ayon sa ulat ng United Nations Foundation mula sa mga datos ng pamahalaan ng Pilipinas, may humigit-kumulang sa 620,000 tao ang “displaced from their homes and communities.” Sa kabilang banda,  ang bilang ng mga nasawi ay umabot sa 10,000 ayon sa alkalde ng Leyte noon. Hindi maikakaila na ang pangyayaring ito ay tumatak sa kamalayan ng mga tao sa buong mundo, lalo na sa mga Pilipino. Sa gitna ng bangungot na noong 15 Enero 2014, nakadaupang-palad ko si Jason na kasama sa mga inilikas ng hukbong militar mula sa Tacloban papuntang Maynila. Ika-10 ng Enero,  habang nasa faculty room ako ng eskuwelahan na  dati kong pinapasukan, nakatanggap ako ng memo na isa ako sa mga guro na ipadadala sa Villamor Airbase upang magbigay ng debriefing sa isang grupo ng survivors na lalapag sa nasabing airbase bago sunduin ng kani-kanilang mga kamag-anak sa Maynila o pansamantalang kukupkupin ng DSWD.

Nang matanggap ko ang memong iyon, malinaw sa aking isipan ang gagawin ko. Bilang isang dating seminarista, nasanay ako sa paniniwala at pag-uugali na tungkulin kong ipahayag ang Ebanghelyo at ipakilala si Jesus sa aking kapuwa. Ako kung bagá ay buháy na tagapagpadaloy ng presensiya ng Diyos upang makilala at maranasan Siya ng iba. Bago sumapit ang takdang araw ng aming pagbisita sa Villamor Airbase at ng pagdating ng batch nina Jason, sinulat ko pa ang aking iskrip na naglalaman ng mga pilosopikal at dokrinal na pagkaunawa sa Diyos, at mga katagang “huwag kang mag-alala, nandiyan ang Diyos, hindi ka Niya papabayaan.” Handa ako sa gawaing ito. Nakasentro sa akin ang buong entablado, at hindi sa Diyos at sa aking kapuwa. Ito ang pananaw ko nang mga panahong iyon. 

Ngunit, nagbago ang lahat nang makaharap ko si Jason. Alas-onse ng umaga nang makarating kami sa Villamor Airbase at binigyan ng oryentasyon tungkol sa mga dapat naming tandaan. Ala-una ng hapon nang ipinuwesto ako sa gilid ng parang entablado na malapit sa nilalapagan ng mga eroplano ng militar. Mula sa kinakaupuan ko, tanaw na tanaw ko ang paglapag ng mga eroplano at ang paglabas ng survivors, gayundin ang pag-alis ng ilang eroplano para sumundo ng marami pang nais lumikas papuntang Maynila. Hindi nagtagal at lumapag na ang eroplano nina Jason. Paglabas nila sa eroplano, dahan-dahan silang lumapit sa pook na pinaghihintayan namin. Habang abalá ang survivors sa paglapit sa debriefers, lumapit sa akin si Jason, isang binatiyo na may katangkaran at may tamang pangangatawan. Halatang sanay sa pagbabanat ng buto at pagtulong sa mga magulang niya sa Tacloban. 

Tahimik na lumapit sa akin si Jason at umupo sa tabi ko. May ilang sandaling bumalot ang katahimikan sa aming dalawa. Nang hindi na ako makatiis, kinumusta ko ang lagay niya . “Kumusta ka na? Ako nga palá si Nathan.” 

“Hello Kuya, ako nga po palá si Jason. Heto po, sinusubok na maging maayos.” 

Sa puntong ito, sinimulan na ni Jason ang paglalahad ng naratibo niyang may pighati at pagkalito na patúloy na tumitimo sa kalooban ko hanggang ngayon. “Wala na po kasi akong mga magulang at mga kapatid, kinuha na po sila sa akin. Malakas po ang hangin at ulan, nagsimula na pong tumaas ang tubig sa kalsada nang bandang madaling-araw. Mag-aalas-sais ng umaga lubog na po ang bahay namin. Nakita ko po si Papa nakahawak sa poste na akay-akay si Mama, at si Ate ay inanod na po ng tubig. Di po katagalan ay nakabitaw po si Papa, at inanod na din po sila ni Mama. Ako po ay mahigpit na nakakapit sa isang poste.” 
Habang nagkukuwento si Jason, nakita kong tumulo ang luha sa kaniyang mga mata at nanginginig ang boses niya. “Kuya, nang kinaumagahang lumipas na ang ulan at baha, nakita po ng mga pulis sina Mama at Papa na patay na. Si Ate naman ay natagpuan makalipas ang dalawang araw.” 

Sa harap ng naratibo ng pighati at pagkalitong ito ni Jason, nakita ko ang sarili ko na tulalâ at para bagang napipi. Walang salitang masambit ang aking bibig, at walang ideang pumasok sa isipan kong napahiya. Manahimik ang tanging nagawa ko, at bumabad sa karanasan ni Jason na naisalin sa payak ngunit malamáng naratibo. Ngunit, lalo akong nagulat sa positibong desposisyon at pananaw sa Maykapal ni Jason. Imbes na isumpa niya at kuwestiyunin ang kalooban ng Diyos, patuloy pa siyang nagtitiwala at inilagak ang kaniyang sarili sa awa at pagkalinga ng mahabaging Diyos. 

“Kuya, kahit ganito ang nangyari alam kong may plano ang Diyos. Ang sandigan ko, Kuya, sa panahong ito ay ang pagtitig sa Krus at kay Jesus na nakapako. Kasi naghihirap din Siya at alam Niya ang paghihirap na nararanasan ko. Nalungkot at nangulila din Siya, kayâ alam Niya ang lungkot at pangungulila ko. Umiyak din Siya, Kuya, at nagtatanong sa gitna ng paghihirap ng naranasan Niya, kayâ alam Niya kung ano ang nararansan ko. Ang paghihirap ni Jesus sa Krus ay nagbibigay sa akin ng lakas na magpatuloy. Hindi ako nag-iisa, Kuya, dahil kasama ko si Jesus.” 

Inilatag ni Jason sa harap ko ang isang malalim na teolohiya, isang teolohiyang mula at nakalapat sa kaniyang karanasan, karanasan ng sákit at pighati; isang teolohiyang nagbibigay sa kanya ng pag-asa na magpatuloy sa buhay at liwanag sa madilim at nakaliligaw na yugto ng buhay niya; isang teolohiyang bumubuhay at nagbibigay-saysay sa letra ng doktrina tungkol sa Diyos. Ang iskrip na inihanda ko at ang mga natutuhan ko tungkol sa Diyos hango sa lengguwahe ng pilosopiya, katesismo, at dokrinal na teolohiya ay nabigyan ng mas malalim na lasa at pagtanaw nang marinig ko ang inilahad ni Jason tungkol sa bantayog ng pananaw niya sa Diyos sa gitna ng kadiliman na kaniyang naranasan. Inilahad ng Diyos ang sarili Niya sa akin sa pamamagitan ng paglalahad ni Jason. Ang Diyos ay buháy na buháy at kumikilos sa karanasan at konteskto ng buhay ng isang tao. Ito na marahil ang kahulugan ng teolohiya ng rebelasyon. Ang Diyos ay nagpapakilala at nakikipagtagpo sa tao na tinatawag sa isang makabuhulang pakikipagrelasyon. Pinatotohanan ito ng paglalahad ni Jason ng pananampalataya at teolohiya niya. 

Tinawag ni Fides del Castillo, isang Filipinang teologo, ang panteolohiyang pananaw na ito bilang “Laylayan Theology.” Dito, ang mga binusalang tinig ng mga nasa laylayan dahil sa kanilang di-kaaya-ayang karanasang panlipunan ay makakatulong upang lalong maunawaan ang saysay ng Kristiyanismo sa kontemporaneong panahon. Nagpapakita ng mukha ng Diyos sa kanilang partikular na mga konteksto ang mga karanasan at pananaw ng mga nasa laylayan. Nagbubunga ang pakikiniig sa boses at tinig ng mga nasa laylayan ng isang dinamikong espasyo na ang katotohanan tungkol sa mga misteryo ng pananampalataya ay kongkretong naihahayag.  Samakatwid, susi ang pakikiniig na ito sa pagkaunawa sa Kaharian ng Diyos, at siyang nagtataas sa antas ng mga nakalimutang miyembro ng Katawan ni Kristo. Ang teolohiya ng Laylayan ay isang tugon sa panawagan para sa isang teolohiya na nagmumula sa mga tao at bumabalik sa mga tao, isang teolohiya na naglalaman ng buháy na karanasan ng mga tao–pakikibaka, pighati, aspirasyon, kasiyahan, inspirasyon, pakikisangkot, at pampananampalataya.  Sa Laylayan Theology, binibigyang-pansin ang personal na artikulasyon ng mga nasa laylayan sa Diyos na buháy na buháy sa kanilang karanasan. Ang naratibo ni Jason tungkol sa kaniyang pagdanas ng pangungulila at kawalan, na siyang naglagay sa kaniya sa laylayan ng buhay, ang nagbigay sa kaniya ng malinaw na pagkakaunawa sa papel at presensiya ng Diyos sa buhay niya at marahil sa ating buhay. Isang Mabathalang karanasan. 

Mga Sanggunian:

Del Castillo, F A "Laylayan theology: Listening to the voices from the margins." Religions 13.5 (2022).
United Nations Foundation. Typhoon Haiyan: How the United Nations is responding and how you can help. 27 August 2018. 28 April 2023.

Tinig is a monthly opinion and analysis series from the School of Humanities. The views expressed in this piece are those of the author and do not necessarily represent the views of the School of Humanities or Ateneo de Manila University.

Religion and Theology Academics Mission, Identity, & Formation Research, Creativity, and Innovation School of Humanities
Share:

Recent News

Testing Updating of Medical Record

16 Jul 2025

One Big Flight of the tiniest wings: AIS installs 16th pollinator pocket in Ateneo at the Grade School Complex

15 Jul 2025

RGL Hub examines the intersection of health and politics in Brown Bag Session

15 Jul 2025

Updating of Medical Records First Semester SY 2025-2026 (College OHS Memo)

15 Jul 2025

AIS bridges climate change education through interactive workshop

15 Jul 2025

Fire stove project of DS majors receives 2025 ASCEND Excellence Award

15 Jul 2025

From vision to reality: 10 new homes turned over in German Village, GK Kalikasan, Cabiao, Nueva Ecija

15 Jul 2025

AJHS chess wizards Fua and Co help Team PH shine at 23rd ASEAN+ Age Group Chess Championships

15 Jul 2025

Join the Ateneo Art Gallery for an ArtSpeak session with Baguio artists at Ili-likha Artists Wateringhole this 24 July

14 Jul 2025

Application for Credit for the College Board’s Advanced Placement (AP) or International Baccalaureate Diploma Programme (IB DP) for the First Semester of SY 2025-2026 (OUR Memo)

14 Jul 2025

You may also like these articles

AJHS faculty and staff in prayer and 'one-ing' with Mother Earth

02 Jul 2025

Returning to the source: a formator’s journey of healing in Cabangan

Ateneo de Manila Junior High School (AJHS) faculty and staff were invited to an overnight immersion at Alon and Araw Club in Cabangan, Zambales, on

Fr Flavie Villanueva SVD

24 Jun 2025

4Ps: Munting Handog Sa Pagtatapos

Narito ang homiliya ni Fr Flaviano "Flavie" Villanueva, SVD, sa Misa ng Pagtatapos para sa Klase ng 2025 (GBSEALD, SOH, JGSOM, SOSE, at RGLSOSS) na ginanap sa Blue Eagle Gym noong Biyernes, ika-20 ng Hunyo 2025.

SOH Logo against ateneo blue

05 Jun 2025

What's New, SOH? - May 2025 Edition

The Office of the Dean of the School of Humanities released today the May 2025 issue of its internal newsletter, What's New, SOH?, a copy

AGS JourKnights in the AJHS St Stanislaus Kostka Chapel

02 Jun 2025

My special "JourKnights" journey

I am Lance Ceralde, a Grade 6 student who has been an altar server at the Ateneo Grade School (AGS) Chapel of the Holy Guardian

Popemobile

20 May 2025

Filipino-made Popemobile used by Pope Francis on display at Bellarmine Field

A historic, Filipino-made Popemobile used by the late Pope Francis will be on display at Bellarmine Field of Ateneo de Manila University's Loyola Heights Campus

SOH Logo against ateneo blue

14 May 2025

What's New, SOH? - April 2025 Edition

Earlier this month, the Office of the Dean of the School of Humanities released the April 2025 issue of its internal newsletter, What's New, SOH

Katipunan Avenue, Loyola Heights, Quezon City 1108, Philippines

info@ateneo.edu

+63 2 8426 6001

Connect With Us
  • Contact Ateneo
  • A to Z Directory
  • Social Media
Information for
  • Current Students
  • Prospective Students
  • International Students
  • Faculty & Staff
  • Alumni
  • Researchers & Visiting Academics
  • Parents
  • Donors & Partners
  • Visitors & Media
  • Careers
Security & Emergency
  • COVID-19
  • Campus Safety
  • Network & Tech
  • Emergency Management
  • Disaster Preparedness
Digital Resources
  • AteneoBlueCloud
  • Archium
  • Rizal Library
  • Ateneo Mail (Staff)
  • Ateneo Student Email
  • Alumni Mail
  • Branding & Trademarks
  • Data Privacy
  • Acceptable Use Policy
  • Report Website Issues
  • Ateneo Network
  • Philippine Jesuits

Copyright © 2022 Ateneo de Manila University. All rights reserved. | info@ateneo.edu | +63 2 8426 6001