[AGS] Buwan ng Wika
14 Aug 2024
Maligayang Buwan ng Agosto! Maligayang Buwan ng Wikang Pambansa!
“Filipino: Wikang Mapagpalaya” Ito ang tema ng ating pagdiriwang ngayong taong 2024. Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino, ang paggamit ng wikang Filipino ay nagsisilbing kasangkapan sa pagpapalaya ng mga Pilipino: pagpapalaya sa alitan sa pagitan ng mga tao o grupong may ‘di pagkakaintindihan sa pamamagitan ng paggamit ng wikang nagbubuklod ng kanilang isip; pagpapalaya sa posibilidad ng kamangmangan o kawalan ng katalinuhan sa pamamagitan ng pagbabasa lalo na ng mga kabataan; at pagpapalaya sa agwat sa pagitan ng mga mamamayan at pamahalaan sa pamamagitan ng kanilang lubos na pag-unawa ng mga batas na binuo at ordinansang isinulat ng pamahalaan sa sariling wika.
Pagkakakilanlan natin ang wikang Filipino. Ito rin ang bumubuklod sa atin para magkaisa at magtulungan sa pagsulong natin sa maayos na kinabukasan. Sa paggamit ng wikang Filipino, ipinahahayag natin ang kusang pagyakap sa ating kultura, tradisyon, at kaugalian. Sa palagiang paggamit ng sariling wika, ipinagmamalaki naman natin ang ating pag-iral bilang Pilipino sa mundong ito.
Ipagmalaki natin ang ating pagiging Pilipino. Palaging gamitin ang Wikang Filipino!
Paalala: Sa Agosto 27 (Martes), inaanyayahan ang buong komunidad ng AGS na magsuot ng kasuotang Filipino bilang pagkakaisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Maraming salamat.
---o0o---
Isinulat ni Gng. Mary Jean Lagliva
Disenyo nina Gng. Mary Jean Lagliva at Gng. Cha Inumerable.