Project SOWimming Naman!
24 May 2023 | Noel Nanas (IV-AB IS) at Floy Soriano
Summer na naman at masaya ang mga bata dahil hindi lang sila nakalublob sa swimming pool kung hindi natuto rin sila ng basic swimming skills.
Noong ika-21 ng Mayo, matagumpay na ginanap ang swimming session para sa labinlimang (15) kabataan na may edad na anim (6) hanggang labindalawa (12) mula sa Solidarity with Orphans and Widows (SOW) sa Ateneo Grade School Swimming Pool. Sila rin ang mga batang regular na sumasama sa reading session tuwing ikatlong linggo ng buwan sa patahian ng SOW sa Payatas, Lungsod ng Quezon. Tinuruan sila nang libre ni Coach Carlito Venus, Aquatic Supervisor mula sa Manila Polo Club. Natutunan nila ang mga sumusunod: (1) Proper Entry at Exit sa Swimming Pool, (2) Bubbling, (3) Floating; at (4) at Kicking.
Masayang-masaya ang mga bata sa paglublob at labis silang nagpapasalamat na sila ay tinuruan ni Coach. Makikita ang kanilang kasiyahan sa bawat skill na kanilang natututunan.
Ibinahagi ng isang magulang na "ipinagyabang sa mga kaibigan nya na marunong na siyang lumangoy at binigay ng Ateneo" na mga kagamitan sa paglangoy kagaya ng kickboard, googles at swimming caps. Dagdag pa ng isang lola na sinamahan ang kanyang mga apo, “Yung mga apo ko sobrang saya at tuwang-tuwa. Pinagkukwento nila sa mga kaibigan na marunong na daw silang lumangoy.” At hirit ng isa pang nanay na sana ay maulit muli ang swimming session.
Ang swimming lesson na ito ay itinaguyod ng mga volunteers na binubuo ng Ateneo alumni, mga mag-aaral mula sa Loyola School, at dati at kasalukuyang empleyado mula sa iba’t ibang opisina sa Ateneo. Sila rin ay dating kalahok ng Leni For You bilang grupo na patuloy na nangangarap at pinaglalaban ang kanilang nasimulan noong nakaraang eleksyon.
Naisakatuparan ang swimming lesson sa pangunguna ng Office for Social Concern and Involvement at sa pakikipagtulungan ng mga sumusunod: Ateneo Grade School Headmaster, G. Jervy Robles, AGS FMO, CSMO, at Megaforce.
Lubos din ang pasasalamat ng mga magulang at mga bata sa lahat ng nagbigay ng tulong pinansyal para lahat ng ginastos para sa swimming lesson kasama na ang mga kagamitan sa swimming lesson - googles, kickboards, at swimming cap.