Pagtatalaga ng mga bagong Iskawt, isinagawa sa AGS
09 Nov 2022 | Isinulat ni Bb. Ayeth Pacle
Ginanap ang pagtatalaga ng mga bagong iskawt sa Mababang Paaralan ng Pamantasang Ateneo noong ika-28 ng Oktubre na may temang “Katapatan at Kapatiran sa Iskawting Nating Samahan.”
Ang naturang okasyon ay dinaluhan ng 40 bagong iskawt mula sa Baitang 4 hanggang 6, kasama ang kanilang mga magulang. Pinangunahan ni Fr. Joaquin Jose Mari C. Sumpaico III, SJ ang pagbabasbas ng alampay ng mga batang iskawt samantala, pinangunahan naman nina G. Jervy Robles at Gng. Virgie G. Esteves, Headmaster/Institutional Scouting Head at Assistant Headmaster for Formation/Institutional Scouting Board Member, ang pagtatalaga ng mga bagong Troop Leaders at ng mga bagong iskawt para sa taong ito.
“Once a scout, always a scout.” Ito naman ang ibinahagi ni G. Rafael T. Mabasa, panauhing pandangal at dating iskawt sa AGS, sa kanyang mensahe para sa mga bagong talagang iskawt. Kanyang ibinahagi kung paano hinubog ng pandaigdigang samahang ito ang kanyang isip, salita, at kilos upang matunton ang kanyang mga itinuturing na tagumpay sa kasalukuyan bilang mag-aaral ng BS Prosthetics and Orthotics sa University of the East Ramon Magsaysay (UERM) sa Lungsod ng Maynila. Bitbit ang mga aral at disiplinang ikinintal sa kanya ng Samahang Iskawting, patuloy niyang ginagamit ang mga ito bilang gabay sa kanyang araw-araw na pakikisalamuha at pakikipagsapalaran sa pagkamit ng kanyang pangarap hindi lang para sa sarili kundi para sa bansa.
Sa pagtatapos ng gawain, pinangunahan ni Bb. Ariette L. Pacle, Coordinator for Student Activities at Institutional Scouting Board Member, ang panunumpa ng mga magulang. Ang bahaging ito ang nagpapatibay ng ugnayan ng paaralan at tahanan para sa holistikong pag-unlad ng mga mag-aaral.
Pagbati at matikas na saludo sa mga bagong talagang iskawt at sa kanilang mga tagapayo na sina Sctr. Mark Anthony C. Catarroja (Boy Scouting Commissioner), Sctr. Feorelle Sison, Sctr. Enrico Patulan, Sctr. David Allen Masakayan, at Sctr. Manuel Joseph Delos Reyes.




