[Hot Off the Press] Ang Landas Palabas ng Nobela
30 Apr 2025 | Ateneo University Press
Ang Landas Palabas ng Nobela, isang pagsusuri sa buhay ng isang nobela
Mahuhugot na rin mismo sa pamagat “Ang Landas Palabas ng Nobela,” ang unang aklat ng kritisismong pampanitikan ng premyadong manunulat na si Allan N. Derain, na ito ay masusing pagsisiyasat, pagsusuri, at pagtalakay sa mga isinasaalang-alang ng isang nobelista upang makagawa ng mahusay na nobela at mailatag ang isang mahusay na wakas. At sa pagkakataon na iyon ay masasambit niya: “Naikwento ko na lahat ng mga dapat kong ikwento kaya pwede na akong magpahinga.”
Ano ba ang pamantayan ng mahusay na nobela na may mahusay na pagwawakas? Ang librong ito ay para sa mga may tulad na katanungan ukol sa pagktaha ng nobela. Ito ay para sa mga taong nais pang palalimin ang pag-unawa nila sa kung paano ba gumagana ang nobela bilang anyo. Mula sa pagsusuri ng masasabing dalawang pinakadakilang nobelang Pilipino, ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal, pinalilitaw ni Derain kung paano nililikha at binubuksan ng mga tauhan, tagpuan, pangyayari, at kuwento ang mga posibilidad sa loob—at maging sa labas—ng nobela. Sa pamamagitan ng pagtingin sa wakas ng nobela, partikular ng Noli at Fili, umuusbong ang mga tanong at sagot hinggil sa estruktura, disenyo, at sensibilidad ng nobela, at maging ang ugnayan ng nobelista at kanyang katha. Ayon kay Derain, ang pagwawakas ng nobela ay sinasalamin ang abot-tanaw ng may-akda ngunit para sa mambabasa, ang pagwawakas ay maaaring simula ng pagkilala ng mahahalagang aral at makabuluhang mga karanasan o katanungan. Mananahimik na ang may-akda ngunit ang nobela ay maaaring umalingawngaw pa rin sa buhay ng mga nakaranas dito.
Isang bago at mapangahas na pagtingin sa dalawang klasikong nobela ni Rizal, ang Ang Landas Palabas ng Nobela ay tangka upang buksan, kung hindi man lagpasan, ang hanggahan hindi lang ng nobela bilang anyo, kundi pati ng kritisismo at panunuring pampanitikan.
Tungkol sa may-akda
Si Allan N. Derain ay ang awtor ng mga librong Aswanglaut; Iskrapbuk; The Next Great Tagalog Novel at Iba pang Kuwento; Banal na Aklat ng mga Kumag; Pangontra; Pamimintana sa Pintong Rosas Budget Hotel; at Boret (chapbook). Patnugot siya ng antolohiyang May Tiktik sa Bubong, May Sigbin sa Silong. Kasalukuyan siyang nagtuturo ng mga kurso sa panitikan at malikhaing pagsulat sa Pamantasang Ateneo de Manila.
Bilhin ang libro: Shopee and Lazada