[AGS] Kapistahan ng Banal na Sanggol o Santo Niño
13 Jan 2025
Tuwing ikatlong Linggo ng Enero, pinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Banal na Sanggol o mas kilala bilang Santo Niño. Ang Santo Niño ay ang Panginoong Hesukristo na isinilang ng Mahal na Birheng Maria. Siya ay Diyos na nagkatawang-tao, nakipamuhay sa atin, at nakisama sa atin. Ipinagdiriwang natin ito dahil maituturing itong isang punla ng pananampalataya kay Hesus dito sa ating bansa mula nang dalhin ito ng mga Espanyol higit limandaang taon na ang nakararaan.
Ang Santo Niño ay minahal ng mga Pilipino dahil tanda ito na mahal na mahal tayo ng Diyos. Ang Diyos natin ay hindi naging iba sa atin. Gaya natin, naging tao siya at naging bata gaya natin. Ipinagdiriwang natin ang kapistahang ito sa AGS dahil kapistahan ito ng mga bata. Ipagdasal natin ang lahat ng bata lalo na ang mga batang kapos sa buhay at nasa bingit ng karahasan. Ipagdasal din natin na sa harap ng Diyos, lahat tayo, kahit anumang edad, ay maging tulad ng mga bata - mga batang kumikilala sa Diyos bilang Ama, at nananalig at nagtitiwala sa kanyang kabutihan, paggabay, at pag-ibig. Maging tulad din tayo ng bata sa pagturing sa kapwa: walang panghuhusga, lahat kaibigan, hindi nang-aapi at hindi nanlalamang. Umunlad nawa ang ating karunungan at lalo nawa tayong kalugdan ng Diyos at ng mga tao.
Sa pagdiriwang natin ng Pista ng Santo Niño, bubuksan din para sa atin ang Taon ng Jubileo. Binuksan ni Papa Francisco ang Banal na Taon noong ika-24 ng Disyembre 2024 nang kanyang buksan ang Banal na Pintuan ng Basilica ni San Pedro sa Vaticano. Ang tema ng Jubileo 2025 ay mga Peregrino ng Pag-asa o Lakbay Pag-asa. Lahat tayo ay hinihimok na maglakbay patungo kay Hesus na ating pag-asa, pagningasin ang pag-asa sa ating puso, at maghatid ng pag-asa sa ating kapwa.
Disenyo at lathala ni G Jeff Velasco.