[Hot Off the Press] Ang Bayang Panitikan: Ang Pagtatanghal ng Kabanalan sa Pakil, Laguna
10 Dec 2024 | Ateneo University Press
Ang Bayang Panitikan: Ang Pagtatanghal ng Kabanalan sa Pakil, Laguna, isang pagsasaliksik sa mga banal na gawain ng isang komunidad
Isang bagong aklat mula sa Ateneo University Press ay Ang Bayang Panitikan: Ang Pagtatanghal ng Kabanalan sa Pakil, Laguna ni Jerry C. Respeto, isang kahanga-hangang pag-aaral na naglalayong ituon ang pansin sa isang bayang tahimik subalit napakayaman sa buhay-komunidad at pananampalataya, na siyang humubog sa napakasaganang mga akdang pasalita at pasulat nito.
Nagbibigay ang aklat ng panibagong paraan ng pag-unawa sa tradisyon, kasaysayan, panitikan, at sining. Mula sa nakalap na etnograpikong datos, inilalahad sa mga kabanata ng aklat ang mga anyo ng oral at pasulat na tekstong bunga ng mga gawaing banal, tulad ng pagdiriwang ng Turumba, Reenactment, Senyor, Flores, at Ping-as. Inilalarawan din ang pakikiisa ng mga Pakilenyo sa pagdaraos ng mga tradisyon at kung paano ang lahat ng ito ay umaayon sa topograpiya ng bayan: lawa, bundok, patag, at klima ng Pakil.
Pinupuri ni Glecy Atienza, propesor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Unibersidad ng Pilipinas Diliman, ang masusing pagsusuri ni Respeto: “Ang paglalarawang hitik sa detalye at ginagabayan ng maselang pagsasalansan ng paraan at ugnayan ay mainam na halimbawa ng mandala ng kaalamang nakatanim sa bawat bayang pinananatiling buháy ng mga habi ng kamalayang nasa bayang panitikan.”
Binibigyang-pansin naman ni Galileo Zafra, direktor ng University of the Philippines Press, ang “maka-Filipinong metodo ng pananaliksik—tulad ng pakikipagkuwentuhan sa mga mamamayan, pakikilahok sa mga banal na gawain, at pakikipamuhay sa mga Pakilenyo.”
Masisilayan at mararamdaman ang masidhing pananampalataya ng bayan hango sa kanilang panatang ipagpatuloy at pagtibayin ang kanilang mga tradisyon at ritwal. Tayo ay pinupukaw at sinasamo ng aklat upang bigyan ng pansin at halaga ang yamang-bayan at kultura tungo sa pagpapalawak ng kamalayang pangkalahatan ng sambayanan. Ayon kay Nikki B. Carsi Cruz, katuwang na propesor sa Department of Interdisciplinary Studies, Pamantasang Ateneo de Manila: “Jerry Respeto’s work is a relevant gift to all Filipinos in a time of eco-anxiety and climate crisis. What we need is to recover the sacred, and the people of Pakil can show us a way how. To read this epic work is to enter deeply into Pakil’s culture world—offering a way of seeing and sensing the world as Pakilenyos do—where the arts and acts of devotion serve to connect the seen and unseen—and where the sacred (in the natural and spiritworlds) is always honored and respected.”
Tungkol sa May-akda
Si Jerry C. Respeto ay kawaksing propesor sa Kagawaran ng Filipino, Paaralan ng Humanidades, at direktor pansining ng Areté sa Pamantasang Ateneo de Manila. Nagtuturo, nagsasaliksik, at nagsusulat siya ng panitikan, dula, at iba pang sining.

Ang Bayang Panitikan: Ang Pagtatanghal ng Kabanalan sa Pakil, Laguna ni Jerry C. Respeto ay inilathala ng Ateneo de Manila University Press. Mabibili ito sa halagang PHP 595 at mahahanap ito sa Ateneo University Press Bookshop sa Bellarmine Hall, at sa aming opisyal na Lazada at Shopee stores.
Bilhin ang libro: Website | Lazada and Shopee