Magpakatotoo
22 Jun 2024 | Fr Jose Ramon Villarin SJ
Read the homily delivered by Fr Jose Ramon "Jett" Villarin SJ during the baccalaureate mass for the 2024 University Commencement last Friday, 21 June 2024.
Children, let us love, not in word or speech,
but in truth and action. (1 Jn 3:18)
Simple lamang ang salita ng Diyos sa atin sa umagang ito. Atenista, magmahal ka, at patunayan mo ang iyong pagmahahal hindi sa salita at dila, kundi sa kilos at katotohanan (ergo kai aletheia).
Sa madaling sabi, iugat mo ang iyong pagmamahal sa gawa at sa totoo.
Akma sa tema ng ating pagtatapos. Magpakatotoo. Na ang ibig sabihi'y magpakatao at makipagkapwa-tao.
Ang pagmamahal ay pinapatotoo sa pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao. Hindi naman naiiba ang dalawang kilos na ito. Ang nagpapakatao, nakikipagkapwa-tao. Ang nakikipagkapwa, nagpapakatao. Ang taong totoo nabubuhay para sa kapwa. Tulad ng nakagawian na nating awitin, "walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa't isa."
Kaya, Atenista, magpakatao ka. Huwag magpaka-anghel. Wala ka namang pakpak. Huwag magpaka-diyos. Hindi ka naman ganun kagaan na kaya mong maglakad sa tubig. Huwag kang namamanginoon na parang ikaw ang may-ari ng iyong buhay. Huwag kang makapal na parang ikaw ang maykapal at sentro na iniinugan ng lahat.
Hindi ka diyos. Huwag mong hayaang lumobo pa ang iyong ulo. Maraming dudulog sa iyo, sisimba sa iyo, magtatayo pa ng monumento, sasambahin ka dahil sa matatamo ng iyong talino. Makaaasa ka na makakatikim ka ng kapangyarihan. Nakakalasing ang kapangyarihan, nakaka-adik. Hindi ka mabubusog. Mag-ingat. Do not let wealth or power or pride get to you.
Atenista, magpakatao ka. Huwag magpaka-hayop. Hindi ka naman mangangaing tao. Huwag kang sumali sa mga nang-aapi ng tao. Huwag mong samantalahin ang mga winawala at tinatapon ng ating lipunan. Kung lumaking tao ka man, sana dahil ito sa puhunan ng sariling pawis at totoong kayod. Kung maging makapangyarihan at kagalang-galang, sana dahil sa inipong tiwala at kabutihan. Huwag kang magnakaw ng yaman at pangarap, lalo na ng mga mahihirap.
Hindi ka hayop. Hindi ka sakop ng batas ng gubat: eat or be eaten, matira ang mabagsik at magulang, pataasan, palakasan depende sa bayaran at alin-alin pang kaliwaan. Nakakasilaw ang pera. Mag-ingat sa bitag nito. Huwag padadala sa suhol at panunukso ng mga hayop na walang pakundangan sa dangal ng tao. Atenistang may pinag-aralan, mag-isip ka, tumingin, umamin, magbalik-loob, magmahal, lumapit sa liwanag, magkapit-bisig, makipagkapwa-tao.
Atenista, magpakatao ka. Magpakatotoo. Hindi ka naman plastik. Tapatan mo ang totoo mong pagkatao. Kilatisin ang totoo at ang pakitang tao. Panindigan ang katotohanan kahit inuusig ka ng kasinungalingan. Lima singko ang salitang plastik. Kaya huwag hayaang mawindang ng salitang mura.
Sa totoo lang, hindi paraiso ang "real world" na naghihintay sa inyo pagkatapos ng Ateneo. Hindi rin naman ito pawang gubat na ginagalawan lamang ng mga hayop. Sa ating ebanghelyo ngayon, ang huling habilin ni Hesukristo sa kanyang mga alagad ay isang dalangin. Dalangin ni Hesus sa Diyos Ama na ingatan sana niya ang mga ipinagkatiwala ng Ama sa kanya. Kapwa Atenista, pagtibayin ang inyong loob. Ito rin ang dalangin ng Panginoon para sa inyong nagtatapos ngayon:
"[Banal na Ama], hindi ko hinihiling na sila ay kunin mo sa daigdig kundi ingatan mo sana sila sa masama. Hindi sila sa daigdig, katulad ng ako’y hindi sa daigdig. Italaga mo sila sa katotohanan; ang salita mo ay katotohanan." (Jn 17:15-17)
Magpakatotoo ka Atenista. Tumayo ka sa pagitan ng lupa at langit. Stand between earth and sky. Hinubog ka sa putik pero hindi ka naman hayop na hampas lupa. At kahit hindi ka man kasing gaan at liksi at tapat ng mga anghel sa langit, nilikha ka pa ring kawangis ng Diyos, anak ng Diyos, at kanyang sinisinta. Tulad ng laging inaawit, "tayong lahat ay tinipon ng Diyos na kapiling niya".
Atenista, sinimulan mo nang patunayan ang iyong pagmamahal. Tinapos mo ang iyong pag-aaral, inumpisahan mo na itong paghahanda para makapag-alay ng sarili sa Diyos at kapwa. Hindi ka lang salita at dila.
Huwag ka sanang mapagod magmahal. Patuloy mong patunayan ang iyong pagmamahal pagbaba mo ng Loyola. Huwag ka lang maghanapbuhay at maghanáp ng buhay. Magbigay ka ng buhay. Luwalhatiin ang Diyos sa pag-aalay ng buo mong pagkatao.
Ikaw na hinirang at mahal ng Diyos, magpakatotoo ka Atenista. Magpakatao at magpakatao kang nabubuhay para sa kapwa.