[Hot Off the Press] Mula Bayang Sawi hanggang Lupang Hinirang: Ang Pag-uunawa ng Pilipino sa Pilipinas
11 Jun 2024 | Ateneo University Press
Mula Bayang Sawi hanggang Lupang Hinirang, isang pagmumuni-muni ukol sa kasaysayan ng mga kuwentong bumubuo sa ating bayan
Isang bagong aklat mula sa Ateneo University Press ang Mula Bayang Sawi hanggang Lupang Hinirang: Ang Pag-uunawa ng Pilipino sa Pilipinas ni Agustin Martin G. Rodriguez. Batay sa masusing pananaliksik at pagsusuri ng mga tekstong pangkasaysayan at panitikan, ang aklat ay naglalayong isalaysay ang kasaysayan ng Pilipinas bilang “bayang sawi,” na inilayo sa mga diwata at inabuso nang ilang dantaon ng mga dayuhang mananakop, hanggang maging “lupang hinirang” na namulat at nabuo sa ideya ng pagiging isang demokratikong bansang pinamumunuan ng malayang mamamayang Pilipino para sa Pilipino.
Tinatalakay ni Rodriguez na sa pagbuo ng isang lipunan, kailangang may mabuong makahulugang “fiction” o kuwento—mga simbolo, mitolohiya, ideolohiya, o teolohiya—na katanggap-tanggap sa imahinasyon ng mamamayan upang mabuhay silang magkakasama at may malasakit para sa isa’t isa. Makikita sa mga kuwento, awit, dula, dalit, tula, at dasal ng ating mga ninuno ang mga ideya ukol sa “mabuting buhay,” mga pag-uunawang ating namana at inangkop sa kasalukuyang panahon. Ang aklat na ito ay nakatuon sa kuwento ng pagbuo ng republika sa abot-tanaw ng mga Tagalog dahil ang rehiyon nila ang naging sentro ng kolonyal na pamahalaan ng mga Espanyol at Amerikano at ng mga Pilipinong pinuno ng humaliling republika. Ipinakikita sa aklat na ang pagkabuo at pag-unlad ng estrukturang panlipunan, pang-ekonomiya, at pampolitika ng bansa sa paglipas ng panahon ay nakasandig sa kung paano inuunawa ng mga indibidwal, pangkat, at uri ang pagiging bayan ng Pilipinas .
Ang librong ito ay para sa lahat na nais maunawaan ang mga iba’t ibang paraan ng pag-iisip na nagsusulong at humahadlang sa ating pag-usbong bilang isang bayan. Hangad ng may-akda na magkaroon ng paliwanag “sa naging paraan ng pagbuo ng bansang-estado, kung bakit isa itong nabibigong proyekto, at kung papaano natin ito maaaring ayusin. Kung baga, mahalaga ang mga pagsasalaysay na ito dahil ipinaliliwanag kung paano nabuo ang bansa natin, kung bakit magulo ang ating demokrasya, at kung bakit umiiral ang kawalang-katarungan at kakulangan ng pag-unlad.”

Tungkol sa May-akda
Propesor ng pilosopiya si Agustin Martin G. Rodriguez sa Paaralan ng Humanidades ng Pamantasang Ateneo de Manila. Ang kanyang pamimilosopiya sa aklat na ito’y naimpluwensiyahan ng kanyang pagiging estudyante nina Roque J. Ferriols, SJ, John N. Schumacher, SJ, at Josefina Hofileña, ng mga kasulatan ni Reynaldo Ileto, at ng pakikiugnay niya sa mga manunulat na sina Rolando Tinio, N. V. M. Gonzalez, Bienvenido Santos, Edith Tiempo, Virgilio S. Almario, at Bienvenido Lumbera. Ang kanilang kaisipan at diwa ang nagbigay ng balangkas sa pagsusuring ito. Nagsusulat si Rodriguez ng mga akda ukol sa makatarungang pag-unlad, katarungang panlipunan, ekolohiya, at pilosopiyang panlipunan.
Ang Mula Bayang Sawi hanggang Lupang Hinirang: Ang Pag-uunawa ng Pilipino sa Pilipinas ay inilathala ng Ateneo de Manila University Press sa ilalim ng Bughaw na imprint nito. Mabibili ito sa halagang PHP 495 at mahahanap ito sa Ateneo University Press Bookshop sa Bellarmine Hall, at sa aming opisyal na Lazada at Shopee stores.