Ignatian Youth Camp 2024: Sa Paghanap at Pagharap
29 May 2024 | ni Andre Thomas Luis M Enero, 3 AB Communication
Ikaw ba ‘yan?
Tanong sa wari’y boses na bumubulong,
Tumatawag na tumugon sa paanyaya
Sa kabila ng kaba, duda, at pangamba
Ngunit kahit na hindi sigurado,
Ibinigay pa rin ang ‘oo’
Umaasa, naniniwalang ang tinig Mo
ang maghahatid sa akin mula simula hanggang dulo
Ang malimit na sabihin ng iba
Mahilig daw ‘magtago’ ang Manlilikha
Kaya’t kailangang pagsumikapang hanapin
Ang pagkilos at paggalaw Niya sa buhay natin
Subalit sa naranasan ko
Ibinunyag Mo sa akin kung ano ang totoo
Ikaw ang siyang humahanap sa akin
Ako’y ‘Yong pinananabikan at inaangkin
Hinanap mo ako at Ika’y nakatagpo
Sa mga nakasalamuhang kabataang tulad ko,
Sa bawat ngiting sumalubong at pagtawang todo
Sa mga pusong binuksan at mga kwentong nabuo
Naroon ka rin sa malawak na karagatan
Sa mga punong namumunga at halamang luntian
At paano, paano ko makalilimutan?
Ang islang pinuno mo ng kagandahan at kabutihan
Ipinakita mo ang ‘Yong mukha sa bawat pagsikat ng araw
Hanggang sa pagpatay sa mga ilaw
Mula sa pinakaunang pagbati at pagpapakilala
Maging sa mapait na pamamaalam, hanggang sa muling pagkikita
Mas nakilala Ka pa sa mga namalas na kultura
Natikman, nadinig, at nadama
Mas naunawaan ang Iyong pagkadakila
Sa lahat ng mga bagay na Iyong ginawa
Tunay ngang ang lahat ng ito ay grasya
At Ikaw ang pinanggalingan, sa Iyo lahat nagmula
Walang hanggang pasasalamat sa Ama
Na sa aki’y tumawag at dito ako’y dinala
Kaya’t kung ang lahat ng aking tinanggap ay biyaya
Di ‘man ganap na karapat-dapat ay ‘Yong pinagpala
Ngayon ay haharapin ang bawat umaga
Tangan-tangan ang Iyong paalala
Na ako’y tinatawag mo rin upang maging biyaya
Sa kalikasang dapat kong pinangangalagaan
Sa mga inaabusong dapat pinakikinggan ng lipunan
At sa kapwa kong kabataang aking kalakbay at sandigan
Ako’y hinanap mo upang iharap sa mundo
Ang mukha mo, ang Diyos na kawangis ko
ni Andre Thomas Luis M. Enero, 3 AB Communication
Photos from the campers