[Hot Off the Press] Pansit Luglog, Halo-halo, Atbp. sa Kuwentuhang Malabon
24 May 2024 | Ateneo University Press
Pansit Luglog, Halo-halo, Atbp. sa Kuwentuhang Malabon, isang kanlungan para sa mga alalala ng Malabon ng noon at pag-asa para sa Malabon ng ngayon
Isang bagong aklat mula sa Ateneo University Press ang Pansit Luglog, Halo-halo, Atbp. sa Kuwentuhang Malabon. Ito ay katipunan ng mga sanaysay na naglalahad ng mga alaala at dinanas ng labinsiyam na may-akda kaugnay ng kanilang kabataan sa noon ay Malabon, Rizal (naging Malabon, Metro Manila noong 1975; naging Malabon City noong 2001). Ito ay isang natatangi at makulay na tala ng isang bahagi ng buhay, kultura, at kasaysayan ng Malabon, isang batis para pagnilayan ng mga mambabasa, at isang alay sa mga minamahal na taga-Malabon ng nakalipas, kasalukuyan, at hinaharap. Ang mga sinulat ng mga kamag-aral ng editor ng antolohiyang si Fanny A. Garcia, na ngayo’y mga lolo’t lola na sa edad na pitumpong anyos, ay nagpapahayag ng “aktwal na nadanas, nakita, narinig, nalasahan, at nadama.”
Sa kanilang pagbabalik-tanaw, ang Malabon noon ay matubig ngunit hindi bahain, maraming puno at malinis ang ilog, maunlad ang kabuhayan at edukasyon, masarap ang pagkain, at dinadayo ng mga kalapit-bayan. Sa kasalukuyan, nakababahala ang pagbaha, polusyon, at overcrowding. Gayunman, may pahiwatig pa rin ng pag-asa ng positibong pagbabago kapag umiral ang pagpapahalaga sa kalikasan at kalinisan sa kapaligiran.
Sa librong ito, masusulyapan ang mga bahagi ng kasaysayan at kultura na araw-araw nating nararanasan ngunit hindi nabibigyan ng nararapat na pansin. Sa kanyang sanaysay na Varayti ng Wika sa Lupaing Walang Lupa, sabi ni Aurora E. Batnag: “Maliit lamang ang Malabon. Pero sino ang hindi nakakakilala sa lugar na ito, na sikat sa mga pagkaing dinarayo ng marami, tulad ng pansit Malabon, sapin-sapin, tinapang bangus, patis, at iba pa? Mayroon ding ilang sikat na taga-Malabon, tulad ng makatang si Ildefonso Santos. Sino ang hindi nakakaalam kung nasaan ang EDSA? Pero alam ba ninyo na tubong Malabon ang bayaning nagbigay ng ngalan sa mahabang lansangang ito? Si Epifanio de los Santos. EDSA—Epifanio de los Santos Avenue.”
Ang bawat kuwento sa antolohiyang ito ay punong-puno ng mga maliliit na detalye na pinananatiling buhay ang Malabon ng noon. Ayon kay Garcia: “Iba’t iba ang sanhi’t dahilan kung bakit isinilang ang librong Pansit Luglog, Halo-halo, Atbp. sa Kuwentuhang Malabon. Pero mas higit sa lahat ang malaki’t matibay na batayan: ang pagmamahal ko sa aking sinilangang bayan—ang Malabon. Ang librong ito ay aking liham ng pag-ibig, ang love letter ko sa aking bayang Malabon.”
Ang Pansit Luglog, Halo-halo, Atbp. sa Kuwentuhang Malabon ay hindi lang para sa mga taga-Malabon. Iniimbita nito ang lahat na pagmasdan ang Malabon mula sa mga mata ng mga taong kinikilala ito bilang tahanan. Isa itong kanlungan para sa mga may-akda, na sana ay maging kanlungan din para sa mga magbabasa nito.

Ang Pansit Luglog, Halo-halo, Atbp. sa Kuwentuhang Malabon ay inilathala ng Ateneo de Manila University Press sa ilalim ng Bughaw na imprint nito. Mabibili ito sa halagang PHP 595 at mahahanap ito sa Ateneo University Press Bookshop sa Bellarmine Hall, at sa aming opisyal na Lazada at Shopee stores.