Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria
04 Dec 2023
Tuwing ika-8 ng Disyembre, ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria. Ipinagdiriwang natin ang simula ng buhay ni Inang Maria sa sinapupunan ng kanyang ina na si Santa Ana, siyam na buwan bago ang kanyang pagsilang sa ika-8 ng Setyembre. Inihanda siya ng Diyos para maging ina ni Hesus. Ipinalihi siyang walang sala upang hindi mabahiran ng kasalanang mana si Hesus na mag-aalay ng kanyang sarili para sa kapatawaran ng ating kasalanan. Kung nagawa ng Diyos na ipahintulot na maipaglihi nang walang sala si Maria, kayang-kaya ng Diyos na linisin tayo sa ating mga kasalanan at pasapitin tayo sa langit kasama ng ating Ina.
Si Maria na ipinaglihing walang sala ang patrona ng Pilipinas. Tayo ang pueblo amante de Maria, bayang nagmamahal kay Maria, at siya ang ating mapagmahal na inang kumakalinga at nagsasanggalang sa atin mula sa kapahamakan. Noong dumating sa Pilipinas ang mga Espanyol, itinayo nila ang unang simbahan sa Pilipinas sa ilalim ng titulong Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria - ang simbahang ito ang Katedral ng Maynila, ang inang simbahan ng lahat ng simbahan sa Pilipinas. Noong magbalik ang mga Heswita sa Pilipinas noong ika-19 na siglo, tumira sila malapit sa katedral at inilagay nila ang paaralang ipinagkatiwala sa kanila sa ilalim ng patronata ni Mariang ipinaglihing walang sala. Hanggang ngayon, siya pa rin ang patrona ng Pamantasang Ateneo de Manila kung kaya't asul at puti ang ating mga kulay sa paaralan at umaawit tayo ng "Mary for you, for your white and blue, we pray you'll keep us, Mary, constantly true! We pray you'll keep us, Mary, faithful to you!"
Ipagdiwang natin ang kapistahan ng ating Ina ng may kagalakan. Inaanyayahan ang lahat makibahagi sa Misa sa ika-7 ng Disyembre sa ganap na 7:30 ng umaga sa AGS Covered Courts. Maaaring magdala ng rosas na iaalay kay Inang Maria sa bandang dulo ng Misa habang inaawit ang Maria, Ina ng Pilipinas. Maaaring makisama sa Misa sa YouTube https://youtube.com/live/80EKdY30pWA?feature=share o https://bit.ly/agscmolive.
Maaari rin bilang magkakaklase ay magdasal ng rosaryo sa mga araw bago ang ika-8 ng Disyembre.
Isinulat at disenyo ni Jeff Velasco.
Ang ika-8 ng Disyembre ay holy day of obligation kaya dapat tayong magsimba sa araw na ito sa ating parokya.