Sagala ng mga Sikat 2025
Inaanyayahan ng Kagawaran ng Filipino - Paaralan ng Humanidades ang buong komunidad na makisaya at makiparada sa pagbabalik ng SAGALA NG MGA SIKAT sa Pamantasang Ateneo de Manila.
Naging tradisyon na sa pamantasan ang Sagala ng mga Sikat ng Kagawaran ng Filipino, mula sa unang parada noong 1993 hanggang sa manumbalik ito at maging taunang gawain mula 2005 hanggang 2011. Muli itong rarampa sa mga kalsada ng campus ngayong Abril bilang pagpapasinaya ng ika-50 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Kagawaran ng Filipino.
Saksihan ang makukulay na arko at tauhan ng panitikan at kulturang popular ng Pilipinas na bibigyang-buhay ng Bonggang Bente, na dalawampung klase ng Filipino 11 at 12 na napiling lumahok sa sagala ngayong taon. Panoorin kung paano ibibida at itatanghal ng bawat arko at tauhan ang temang “Ginto’t Pilak, Namumulaklak.” At abangan kung sino ang pararangalang pinakamagandang arko’t kasuotan at pinakamahusay na pagtatanghal, na tatanggap ng bonggang premyo, sa suporta ng Tanggapan ng Ikalawang Pangulo para sa Lalong Mataas na Edukasyon.
Magsisimula ang parada sa SEC Parking Lot sa tapat ng Schmitt Hall, iikot sa ilang bahagi ng campus, at matatapos sa bahagi ng Red Brick Road (College Lane) sa tapat ng Special Collections Building ng Rizal Library, kung saan mapapanood ang mga pagtatanghal.
Kitakits nang 5:00 ng hapon sa Abril 8, 2025! Sagalahan na!