Cultural Communities Consciousness Week
Mahalaga ang pagkakakilanlan ng isang lahi. Bilang mga Pilipino, paano nga ba natin mapangangalagaan ang ating mayamang kultura at mga tradisyon? Paano natin maipagmamalaki sa buong mundo ang ating mga katutubong komunidad na nagpapaalala sa ating pinagmulan? Paano natin maipalalaganap ang bilin ng ating mga ninuno na kasama sa pag-unlad ng isang bayan ang pagiging maalam ng bawat mamamayan sa kasaganahan ng kanyang lupang tinubuan?
Batay sa Proclamation No. 1148, s. 1973 ng Pangulo ng Pilipinas, ipinagdiriwang natin ang National Culture Consciousness Week upang ipakilala ang yaman ng ating kultura, hindi lang sa buong bansa, kundi sa buong mundo. Naglalayon itong patuloy na maingatan at mapaunlad ang kulturang Filipino. Bahagi ang ating kultura, tradisyon at mga paniniwala sa pagbuo at pagpapatupad ng mga batas sa ating bansa. Malaking tulong sa pagkamit ng mga layunin kapag tayo mismong mga Pilipino ang nagpapahalaga sa sariling atin. Nararapat na bigyang-atensyon ang husay ng mga Pilipino sa sining at literatura upang lalong mapag-init ang ating damdaming ipagmalaki ang mga sarili bilang mga Pilipino. Bagaman magkakaiba ang pinaniniwalaan, ang pagsasanib at pagtutulungan ng bawat komunidad ang nagpapatunay na tayo ay iisang bansa at iisang lahi.
Mayaman at makulay ang ating kultura kaya’t ipagdiwang natin ating mga katutubong komunidad. Higit sa lahat, ipagdiwang natin ang pagiging isang bansa at pagiging mga Pilipino!
Isinulat ni: Bb. Guadalupe S. Asonza
Disenyo ni G. Paul Nicolo C. Claustro