Manila Reads Rolando Tinio
Sinimulan sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Panitikan noong 2019 ang taunang pagdaraos ng “Reading the National Artists Series” sa pagtataguyod ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at ng mga katuwang nitong institusyon, ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at National Book Development Board (NBDB). Sa aktibidad na ito, may inaanyayahang batikáng manunulat at/o iskolar upang magpanayam tungkol sa halaga ng mga naiambag ng isang Pambansang Alagad ng Sining sa pagkalinang ng Pambansang Panitikan ng Filipinas. Ang mga naging unang tagapagpanayam ay sina Dr. Soledad S. Reyes para kay Lazaro Francisco at Dr. Ma. Cecilia Locsin-Nava para kay Ramon Muzones. Noong 2020, sa kabila ng pandemya, naidaos ang mga online na panayam tungkol kay Amado V. Hernandez, na si Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario ang nagbigay, at kay Edith L. Tiempo, na ay sina Dr. Gemino H. Abad at Dr. Cristina Pantoja Hidalgo ang nagbigay. Noong nakaraang taon, si Dr. Jonathan O. Chua ang nagpanayam tungkol kay Jose Garcia Villa at si Dr. Jose Y. Dalisay Jr. ang nagpanayam tungkol kay Carlos P. Romulo.
Para sa taóng ito, napagpasiyahan ng komiteng nangangasiwa sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Panitikan na si Rolando S. Tinio ang isa sa dalawang Pambansang Alagad ng Sining na pag-ukulan ng pagpapahalaga. Naniniwala ang komite na mahalagang muling maipakilala sa isang panayam ang kaniyang mga obra na siguradong maiuugnay sa pangkalahatang tema ng selebrasyon: "Muling Pagtuklas sa Karunungang-Bayan (Rediscovering Folk Wisdom)."
Sa pakikipagtulungan sa NCCA, pangungunahan ng Ateneo Institute for Literary Arts and Practices (AILAP) ang "Manila Reads Tinio" sa 20 Abril 2022, ika-3:00 hanggang ika-5:00 ng hapon. Imbitadong magsalita tungkol sa pagiging makata niya si Rayvi Sunico, tungkol sa pagiging mandudula niya si Ricardo Abad, at tungkol sa pagiging tagasalin niya si Jerry Respeto.
Mapapanood ang programa sa FB page ng NCCA, AILAP, Kagawaran ng Filipino at Flourish ng School of Humanities ng Ateneo de Manila, at ng iba pang mga katuwang sa pagtataguyod ng Pambansang Buwan ng Panitikan 2022.