[Tinig] Dahil Buwan ng Wika
15 Aug 2022 | Michael M Coroza
Noong bungad ng Agosto 2018, dahil Buwan ng Wika, isang kaibigan (kaklase ko sa kolehiyo) ang nagtanong sa akin tungkol sa Filipino bilang asignatura. Inilahad niya ang tanong sa isang chat na panggrupo na kapuwa namin kinabibilangan, kayâ nagkaroon kami ng masayáng pagpapalitang-kuro kasama ang iba pa naming kaibigan. Mahihinuha mula sa naging pag-uusap na ito kung gaano kabatid (o di-batid) ng ilan (o marami sa mga) Filipino ang kasalukuyang sitwasyon ng wikang pambansa. Sa halip na ilagay ang kanilang mga pangalan, Kaibigan 1, Kaibigan 2, Kaibigan 3, Kaibigan 4, at Kaibigan 5 ang ginamit kong pagkakakilanlan nila. Si Kaibigan 1 ang nagpasimula ng usapan. Ako si “Ako” sa usapang ito. Pinapanatili o sadyang hindi ko inedit o binago ang ispeling at gramatika ng mga kausap ko.
Kaibigan 1:
Kaibigang Michael Coroza, question ko sa yo, bakit ba pinahirap ngayon ang Filipino subject? Bakit maraming binago lalo na sa Ortograpiyang Filipino?
Ako:
Kaibigan 1, hindi maiiwasan ang mga pagbabago lalo na sa ortograpiya.
Hindi estatiko ang wikang Filipino.
Kaibigan 2:
Ano ang ortograpiya?
Kaibigan 1:
Guide sa spelling and usage of Filipino words. Tama ba ako dun G. Michael Coroza? Ano opinion mo o saloobin dun kaibigang Michael? Para sa akin mas maganda pa rin yung dati na simple lang. Bakit kailangang ipattern sa English grammar yung sariling atin? Nahirapan tuloy ang mga bata.
Kaibigan 2, mga changes in spelling e.g....dati ang gamit natin anu-ano, ngayon ano-ano, dati sinu-sino ngayon sino-sino. Tapos sa grammar dati wala namang mga active and passive
voice ang verb ngayon meron na. At marami pang iba. Buwan kasi ng Wika kaya nagtanong lang ako kay G. Coroza. Babatiin ko lang naman sya ng isang Maligayang Pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Nakakalungkot kasi ang mga bata ngayon, hindi na alam ang mga Tagalog words.
Ako:
Maganda ang mga pangyayari ngayon sa ating wika, Kaibigan 1. Hindi na Tagalog ang pambansang wika. Filipino, hindi Tagalog. Lumang patakaran ni Lope K. Santos ang “anu-ano” at “sinu-sino.” Pero, mas komplikado ito kaysa “ano-ano” at “sino-sino.”
Kung inuulit lang kasi ang salita, bakit kailangang maging u ang o?
Hindi naman nagtuturo ng active at passive voice sa Filipino. Ang itinuturo ay mga pokus at kaganapan ng pandiwa. Hindi itinuturo ang ganito sa gramatika ng Ingles. Katangian ito ng wikang Filipino ayon sa pagsusuri ng mga lingguwistang higit na siyentipiko ang paraan ng pag-aaral. Ang nahihirapan ay ang mga magulang na laging nagsasabi na
“Di ganiyan noong kami ang nag-aaral,” na para bang walang puwedeng ipagbago ang mga bagay-bagay. Nagbabago ang mga kaalaman, lalo na kung agham o siyensiya ang pagbabatayan. Hindi na nga planeta ngayon ang Pluto, di ba?
Siyam ang minemorya nating planeta ng solar system.
Kung bakit maraming bata ngayon ang hirap sa Filipino, ang totoo, mga nasa elite at middle classes lang naman, ay dahil labis ang exposure sa Ingles. Noon pa man ganito na.
Pero, ngayon, maraming magulang ang nagpapalaki sa anak nila na Ingles na lang ang wika. Nagiging monolingguwal tulóy ang mga bata. Hindi naiisip na mas marami ang pandaigdigang pananaw ng táong may alam na dalawa o higit pang wika.
Kaibigan 3:
Hi, Mike! Interesado ako dyan sa kaganapan ng pandiwa. Pwede bang
magbigay ka ng halimbawa o maikling paliwanag?
Ako:
Naku, Kaibigan 3, nakakapagod dumutdot sa cell phone.
Kaibigan 4:
Ang pandiwa, bow…
Kaibigan 5:
Kung ano ang isinagot ni Mike, yun din ang mga sagot ko sa tanong ni Kaibigan 1.
Paano naman maiiba e si Mike din ang nagturo sa akin. Department head ko siya noong nagturo ako ng Filipino, mga ilang dekada na rin ang nakaraan. Iniyakan din ng mga estudyante kong mga inglisero yang Pokus at Kaganapan ng pandiwa na yan. Salamat Mike. Oo nga pala, Kaibigan 3, mahaba ang paksa na yan.
Dapat upuan. Hindi makukuha sa isang listahan lang.
Kaibigan 3:
May website ba ako na pwedeng puntahan para mapag-aralan ko ito?
Kaibigan 5:
Dami... Meron pa akong nakitang PowerPoint slides. Di naman mahirap intindihin.
(Sa bahaging ito, nagbahagi si Kaibigan 5 ng isang paskil na nahango niya mula sa websayt ng Komisyon sa Wikang Filipino. Isang tula ni Rio Alma o Virgilio S. Almario, ang Tagapangulo ng nasabing ahensiya.)

Kaibigan 1:
Yan ang Tagalog!
Ako:
Iyan ang Filipino. Si Rio Alma o Virgilio Almario ang Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at masigasig na naggigiit ng pagkakaiba ng Filipino sa Tagalog. Sa kaniyang panahon bilang Tagapangulo ng KWF naganap ang radikal na pagbabago sa Ortograpiyang Filipino. Sa panahon niya nagsimulang gamitin ang “sino-sino” at “ano-ano” sa halip na “sinu-sino” at “anu-ano.” Tingnan ang pagkakagamit niya ng “buong-buo” at “iyong-iyo” sa huling linya ng huling saknong ng tula, sa halip na “buung-buo” at “iyung-iyo” na kinamihasnan natin noong táyo ang mga estudyante ng Filipino ilang dekada na ang nakararaan.
Kaibigan 5:
Tama bang sabihin, Mike na ang obra ni Balagtas ay sinulat sa wikang Tagalog?
Ako:
Oo, Tagalog ang wika ni Balagtas. Iyon pa lang, kasama ang Bisaya,
Ilokano, Pampango, atbp, ang mayroon noong 1838.
Kaibigan 5:
I didn’t want to assume. Marami sa mga issue tungkol sa wika ay tinalakay/binanggit sa aklat na ito... baka interesado kayo... binili ko ito sa National Bookstore.
(Sa pagkakataóng ito, ibinahagi ni Kaibigan 5 ang retrato ng pabalat ng librong Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa ni Virgilio S. Almario

Ako:
Inirerekomenda ko ang aklat na iyan. Mahusay ang saliksik at pagkakasulat ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan.
Kaibigan 1:
Gandang umaga! Ma-ayong aga! Ang pagkakaunawa ko sa Filipino ay adaptation na ng ibat ibang wika. Eka nga sa terminology ni Kaibigan 4, it's an amalgation of foreign languages infused into one. Kaya ang wikang Filipino ay hindi na puro. I hope huwag dumating ang araw na isama sa bokabularyong Filipino ang sineych iteych...tama ba yon?
Maraming salamat sa mga aral na natututunan ko kay Dr. Michael Coroza.
Kaibigan 3:
Aminin mo na mahina ka sa spelling. Kaibigan 5, hahanap ako ng aklat na yan! Meron sa library dito! Hihiramin ko muna habang naghahanap ako ng mabibilhan.
Kaibigan 1:
Galing naman Kaibigan 3, buti pa dyan easy access….Yan ang sinasabi ko, dati ang word na spelling pagbabaybay sa Filipino, ngayon ispelling na. Ang library ay silid-aklatan pero baka bukas ay maging laybrari na. Kaibigan 3, dyan ka na sa library nagwowork? Hayan nag-isip tuloy ako kailangang itranslate ko pa yan in common language.
Ako:
Sinonimo ang “ispeling” ng “pagbaybay” kung paanong sinonimo rin ng aklatan ang laybrari. Nadadagdagan ng salita ang isang buháy na wika. Kapag hindi na nagbabago at hindi na rin nadadagdagan ng bokabularyo, dulot man ng pag-imbento at/o panghihiram sa ibang mga wika, marahil wala nang gumagamit kung hindi man sadyang “patay na” ang isang wika.
Posible ang pangungusap mo, Kaibigan 1: “Diyan ka na nagwowork sa laybrari?” Na, puwede naman talagang sabihin sa ganitong paraan: “Diyan ka na nagtatrabaho sa aklatan?”
Ang trabaho ay hiram sa Español kung paanong ang work ay hiram sa Ingles. Noong unang panahon, marami táyong nahiram na salita sa Español dahil sa dominansiya ng wikang ito bilang wika ng mga edukado. Ngayon, mas marami táyong nahihiram sa Ingles dahil sa paghahari nito bilang wika ng edukasyon sa ating bansa. Ayos lang bang manghiram sa Español pero hindi sa Ingles? Walang batas na makapagbabawal nito. Ang aklatan, sa kabilang banda, ay “imbentong salita” dahil wala namang konsepto ng laybrari sa Tagalog bago nagtayô ng bibliyoteka ang mga eskuwelahan o paaralan o iskul ng mga kolonisador o kolonayser o mananakop. Ang punto, dumarami ang mga salita ng isang buháy na wika. Kung hindi gagamitin ang “nagwowork” o “nagtatrabaho,” ano ang puwedeng gamitin ng ibig magpakakatutubo o magpaka-Tagalog sa pagsasalita? Puwede ba ang “gumagawa”? Kung ito ang gagamitin, magiging ganito ang pangungusap: “Diyan ka na gumagawa sa aklatan?” Kaso, napakalawak ng kahulugan ng salitang “gumagawa” kaysa sa alam nating kahulugan ng mga hiram na salitang nagtatrabaho o nagwowork. Bakâ biglang may magtanong: “Gumagawa ng ano? Ng libro?” Kung sa bagay, puwede rin namang “naghahanapbuhay” ang itumbas sa “work.” “Diyan ka na ba naghahanapbuhay sa aklatan?” Pero, hanapbuhay lamang ba talaga ang “work”?
Kaibigan 1: Bugtungan naman tayo.
Favor Mike, baka naman pwede pakigawan ng Filipino stenography ang court para hindi na mahirapan ang mga stenographer sa paggawa ng transcript at hindi na rin mahirapan ang mga taga-translate nila from Filipino to English. Isa yan sa mga nagpapatagal ng oras sa mga hearing ng kaso. Minsan tuloy hindi maideliver ng witness ang sagot nya o totoong nangyari kasi hindi nya maintindihan ang interpreter/translator. Malaking bagay yan sa ikadadali ng mga kaso
Ako:
Alam mo bang noon pang mga 1946 ay may Takigrapiyang Tagalog na? Hindi lang ito pinansin ng Ingleserong justice system ng Filipinas. Ang dapat kasi, gawing Filipino na ang wika ng korte. Pero, laging tumututol ang mga Ingleserong hukom, piskal, abogado, at lahat ng sangkot sa sistemang hudisyal. Hindi pinakinggan ang isang Hukom Cesar Peralejo na matagal nang nagsalin sa Filipino ng Kodigo Penal. Nasa nobenta anyos na si Peralejo, pero hindi pa rin natutupad ang pangarap niyang pag-iral ng wikang Filipino sa lahat ng ating mga korte.
Takigrapiya ang itinawag noon sa stenography. Siyempre, hiram sa Español. Siguro ngayon puwede nang tawaging Istenong Filipino. Hindi ko linya ang takigrapiya. Panitikan at pagsasaling-pampanitikan ang pinagdoktoran ko. Isang kakilala kong PhD sa isang bantog na unibersidad ang alam kong dating nagtuturo nito. Kaso, retirado na siya. Bakâ isa sa inyo ang dapat magpasimuno sa paggamit nito.
Kaibigan 1:
Maganda pala at meron na noon pa. Sana naman isa yan sa bigyan ng pansin sa judiciary para mapabilis ang mga kaso at mabawasan din ang mga patong-patong na kaso... O hayan ah. Ginamit ko ang patong-patong at hindi patung-patong.
Ako:
Ha-ha-ha! Harinawang mangyari na maging wika na ng ating mga korte ang Filipino. Salamat.
Kaibigan 1:
Maraming salamat sa impormasyon!
Kaibigan 4:
Ang paru-paro ay paro-paro na rin ba?
Ako:
Naku, Kaibigan 4, ang salitang paruparo ay hindi halimbawa ng salitang inuulit. Wala naman kasing “paro” lang sa ating wika. Isang salita lamang ito kayâ hindi nilalagyan ng gitling. At noon pa man, “paruparo” na ang baybay nito. Tulad lang ng salitang “alaala.” Hindi ito ginigitlingan dahil wala namang “ala” lamang.
Kaibigan 5:
Ang lung/s o baga sa Bahasa Indonesia ay paru. Hindi ba nakakatuwang
isipin na ang paruparo ay kahugis ng baga!
Ako:
Wow! Ang ganda ng ibinahagi mo, Kaibigan 5. Nakatutuwang maláman.
Dito natapos ang mahaba-habang diskusyon naming magkakaibigan na nasa iba’t ibang disiplina o larang na ngayon. Abogado si Kaibigan 1, si Kaibigan 5 ay guro sa sekundarya sa Indonesia, si Kaibigan 3 ay empleado sa isang ahensiyang panggobyerno sa Canada. Hindi ko maalala kung ano ang kinasasangkutan ngayon nina Kaibigan 2 at Kaibigan 3. Nasentro ang pagtatanong sa akin sapagkat ako ang nasa larang ng wika at panitikan.
Nakatutuwa na nag-uusisa sila tungkol sa Filipino. Ibig sabihin, may malasakit o pakialam pa rin sila sa pangkalahatang sitwasyong pangwika ng Filipinas. Katulad nawa nila ang higit na nakararaming Filipino na, sa wari, ipinagkikibit-balikat lamang ang usapin hinggil sa wikang pambansa. Noon at ngayon, sa kabila ng mga malawakang hakbang patungong globalisasyon, kailangang maisulong ang wikang pambansa. Ito ang wika ng ating pagkakaisa sa kabila ng mga pagkakaiba. Magkakatagpo at magkakasundo dapat táyo sa pamamagitan nito.
(Sa ganitong paraan marahil maaaring pahalagahan ang iginigiit ng isang sikat na aktor na bagong halal na senador ngayon tungkol sa paggamit niya ng Filipino sa pakikipagdebate sa senado. Hindi dapat mauwi lamang ang lahat sa paghamak sa kaniyang pagiging di-marunong ng Ingles. Sa halip, maging pagkakataon nawa ito para sa Filipino bilang wika sa pagsasadiskurso ng mga usaping pambansa. Gayunman, hindi dapat ipagwalang-bahala na ibang antas ng usapin pa ang talino. Sa Ingles man o sa Filipino matatas na nagsasalita, may mga táong sadyang may kapurulan ang utak at kailangang ihasa. Kaugnay rin nito kailangang maungkat ang malaking usapin na binigkas pa mismo ng bagong pangulo ng bansa na dapat daw manatiling Ingles ang medium of instruction sa ating sistema ng edukasyon.)
Batay sa mga naging palitang-kuro namin ng mga kaibigan ko, mahalagang aral na dapat matutuhan at maisabuhay ang pagiging bukás sa mga posibilidad ng pagbabago at/o pag-unlad. May mga dati nang nakamihasnan o praktika sa wika na mahalagang suriin at/o palitan kung kinakailangan sa ngalan ng estandardisasyong higit na magiging kauna-unawa at kapaki-pakinabang para sa lahat. Sa simula, sadyang mahirap bitiwan ang mga nakamihasnan. Ngunit, nasa matibay at may-paninindigang pagpapasiya para sa kapakanang pambansa ang marubdob na pagsisikap na ganap na malampasan ang lahat ng hírap.
Sumaating ganap nawa ang tunay na diwa ng (Buwan ng) Wikang Pambansa.
Tinig is a monthly opinion and analysis series from the School of Humanities. The views expressed in this piece are those of the author and do not necessarily represent the views of School of Humanities or the Ateneo de Manila University.